ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lingayen beach sa Pangasinan, dinagsa ng mga tao ngayong long weekend


Dahil sa long weekend at selebrasyon ng Pistay Dayat o Pista ng Dagat, dinagsa ng mga turista ang Lingayen beach sa Pangasinan nitong Biyernes.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas, sinabing nagmula pa sa iba't ibang bayan at lalawigan ang mga dumayo sa Lingayen beach.

Hindi alintana ng mga tao ang mainit na panahon para makapagtampisaw sa banayad na alon ng karagatan.



Sa monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Pangasinan, sinabing nasa 100,000 katao ang nagtungo sa beach nitong Biyernes.

"Ang naging problema natin yung traffic management saka yung pagparada ng mga sasakyan along dun sa dapampasigan ng Lingayen beach which is pinagbabawal natin...pero... para maging visible yung beach at makita natin kung sino ang nangangailangan (ng tulong)," ayon kay Avenix Arenas, spokesperson PDRRMC-Pangasinan.
 
Para maiwasan ang insidente ng pagkalunod, may inilagay na mga beach tower sa iba't ibang bahagi ng dalampasigan. Bukod pa ito sa mga nakaantabay na mga rescue team at mga medical personnel.
 
Isang kaso ng jellyfish sting ang naitala na kaagad namang nabigyan ng paunang lunas.
 
Samantala, nagkaroon naman ng parada ng mga bangka sa Agno river kung saan ipinakita ang iba't ibang float na may desiyon ng mga lamang-dagat gaya ng bangus, hipon at hito.
 
Ang naturang parada ng mga bangka ay bahagi ng Pista ng Dagat. -- FRJ, GMA News