ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Wanted na si Basit Usman, sugatan at nasa Lanao?


Inaalam ng pamahalaan ang katotohanan sa natanggap na impormasyon na nasugatan sa engkuwentro at nasa lalawigan ng Lanao ang wanted na si Basit Usman, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.

Sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na nakatanggap sila ng impormasyon na nasugatan sa engkuwentro si Usman pero hindi pa umano ito nakukumpirma ng Defense Department.

Kabilang si Usman sa target ng mga operatiba ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) nang magtungo ang mga ito sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Napatay sa naturang operasyon ang umano'y international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, pero nakatakas si Usman.

Ang naturang operasyon ay nauwi sa pakikipagsagupaan ng SAF troopers sa tropa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), na nagresulta sa pagkasawi ng  44 na police commando.

Noong Feb. 13, sinabi ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu na may impormasyon na sugatan din si Usman at maaaring nagtatago sa Maguindanao.

Sa text messages sa GMA News Online nitong Sabado, sinabi na Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Joselito Kakilala at Western Mindanao Command spokesperson Captain Rowena Muyuela, na patuloy pa nilang bineberipika ang impormasyon tungkol sa kalagayan ni Usman. — FRJ, GMA News

Tags: basitusman