Leprosy museum, binuksan na sa Mandaue City, Cebu
Binuksan na sa Mandaue city ang kauna-unahang Leprosy Museum sa Visayas at Mindanao na naglalayong ipaalam sa publiko ang tamang impormasyon kaugnay sa sakit na ketong.
Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas ng GMA News TVs nitong Martes, sinabing nais na maiparating leprosy museum sa publiko na dapat bigyan ng pansin ang mga may sakit na ketong sa halip na pandirihan.
Makikita ang museum sa Eversley Childs Sanitarium and General Hospital kung saan inaaruga ang mga tinatamaan ng leprosy mula pa noong 1930.
Pagpasok sa museum, makikita ang mga larawan at mensahe ng mga leprosy survivor. Makikita rin dito ang iba't ibang gamit na panggamot sa mga nagkaketong, at pati na ang kanilang mga gamit.
Sinabi ni Nancy Sabuero, in-charge sa museum, na dapat maipreserba ang sanitaruim para malaman ng publiko kung ano ang buhay noon ng mga may sakit at kung ang ginawa sa kanila.
Ang leprosy ay isang chronic disease, na ang pangunahin naaapektuhan ay balat ng tao, ang upper respiratory tract, maging ang mga mata.
Hindi madaling makahawa ang sakit pero posible itong maipasa sa pamamagitan ng droplets mula sa ilong o bibig ng pasyente.
Gayunman, nagagamot ang ketong. Mula pa noong 1995, nagbibigay na ng libreng multi-drug therapy treatment ang World Health Organization para sa lahat ng leprosy patients sa buong mundo. -- FRJ, GMA News