ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Opisyal ng Wyeth nakipag-usap sa BFAD


Nakipag-usap ang isang mataas na pinuno ng Wyeth Global sa mga opisyal ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) upang linawin ang pagbawi ng may dalawang milyong lata at karton ng infant milk formulas ng nasabing kumpanya. Lumabas mula sa dalawang oras na closed-door meeting si Tom Mulqueen, bise presidente ng global operations ng Wyeth subalit nanatiling tikom ang bibig nito tungkol sa napag-usapan nila ng BFAD officials. "I had a meeting with them. It was a good business meeting. I really do not have any comment to make," ani Mulqueen sa isang interview sa GMA News. Subalit, ayon kay BFAD Deputy Director Joshua Ramos, sinabi diumano ni Mulqueen sa meeting na lubhang humihingi ng patawad ang kumpanya dahil sa naganap na kontaminasyon. "They (Wyeth executives) feel awful about this. They said this is an isolated case and things have transpired and we know where they're coming from," ayon kay Ramos. Naglabas ng recall order ang BFAD noong nakaraang linggo para sa may dalawang milyong lata ng Wyeth infant milk formula matapos lumabas sa imbestigasyon ng pamahalaan na may kalawang ang mga lata at may nakita ring amag sa ibang parte ng warehouse ng kumpanya. Kabilang sa natamaan ng recall order ang ilang produkto ng Wyeth gaya ng Bonna, Bonamil, Bonakid, Promil, Promil Gold, Progress, Progress Gold at Promil Kid na ginawa sa pagitan ng ika-23 ng Mayo hanggang ika-26 ng Hulyo noong nakaraang taon dahil na-expose ang mga ito sa mga elemento sa kasagsagaan ng bagyong Milenyo. Nakatala sa audit report ng Good Manufacturing Practices (GMP) ng BFAD ang ilang patay na insekto sa mga hindi winawalisang sahig sa ginawang inspeksyon sa mga planta ng Wyeth sa Laguna. Isinagawa ang nasabing inspeksyon mula ika-29 ng Mayo hanggang ika-14 ng Hunyo. Nag-isyu ang Wyeth noong Sabado ng public apology sa mga dealers, distributors, retailers at magulang na tumatangkilik ng mga nasabing produkto, matapos ang nauna nitong pahayag na hindi naapektuhan ng panahon ang kanilang produkto. Inutos ng BFAD sa Wyeth sa isang order noong ika-19 ng Hunyo na kailangang itigil ang paggawa ng mga sinasabing “violative products" at mag-initiate ng recall sa loob ng 15 araw matapos makuha ang nasabing utos. Ayon sa Wyeth, nakuha nila ang order noong ika-20 ng Hunyo. Samantala, magsasagawa ng kaukulang konsultasyon ang Wyeth sa BFAD ukol sa recall order. Ayon sa kumpanya, pag-uusapan din nila ang mga hakbang na magagawa kung paanong ligtas na madidispatya ang mga kontaminadong lata at karton ng gatas upang hindi mapasakamay ng mga manlolokong maaring ibentang muli ito. "Wyeth is coordinating with key supermarkets, groceries, drug stores, wholesalers and distributors nationwide to allow customers to directly exchange products at retail outlets," ayon sa statement ng Wyeth na lumabas nitong Lunes. Idinagdag pa ng kumpanya na magbibigay ito sa BFAD ng “corrective at preventive measures" sa susunod na buwan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV