ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

AFP naghahandang lusubin ang kuta ng terorista sa Sulu


Naghahanda na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng panibagong pag-atake sa mga hinihinalang kuta ng teroristang grupo ng Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah sa Jolo, Sulu sa Mindanao. Tinawag na “Codenamed Ultimatum II" ang anti-terrorism operation na sisimulan sa unang araw ng Hulyo, ayon kay Army Lt. Gen. Eugenio Cedo, hepe ng AFP Western Mindanao Command. "This operation will be in close coordination with local government officials headed by the new governor," patungkol ni Cedo kay Governor-elect Sakur Tan, na kumondena sa gawain ng ASG. Target ng gagawing operasyon ang mga nalalabing miyembro ng ASG at JI kabilang na sina Radulan Sahiron; Dulmatin at Umar Patek, na itinuturing utak sa madugong October 2002 Bali bombings. Nakaposte na rin sa Jolo ang daan-daang tropa ng US na magbibigay ng ayuda sa mga sundalo ng AFP para labanan ang banta ng terorismo sa rehiyon. Nitong Martes, supresang binisita ni Admiral Timothy Keating, commandet ng US Pacific Command na naka-base sa Honolulu, ang nakupkop na kuta ng ASG sa brgy. Tugas sa bayan ng Patikul. Sinasabing dito nagkuta ang dating ASG chieftain na si Khadaffy Janjalani at nasugatan nang makasagupa ng mga sundalo noong September 2006. Si Janjalani at kanang-kamay nito na si Jainal Antel Sali, alias Abu Solaiman ay napatay noong Enero 2007 sa paglulunsad ng Ultimatum I. "Until last year, Tugas Hill was the traditional lair for the Abu Sayyaf terrorist group," ani Maj. General Ruben Raphael, army commander sa Jolo. "For years, our soldiers have had encounters with Abu Sayyaf until we gained control of their camp and made it our own." Sa Tugas Hill na nakabase ang 5th Marine Company, Marine Battalion Landing Team 5. Ginagamit rin ito sa jungle training camp at himpilan ng combat patrols ng mga sundalong tumutugis sa nalalabing miyembro ng ASG. Sinabi naman ni AFP chief Gen. Hermogenes Esperon Jr. na malaki ang nabawas sa banta ng terorismo sa Pililipinas nang mapatay si Janjalani. Ilang oras naglakad sa masukal na gubat ng Tugas si Keating kasama si US Ambassador to the Philippines Kristie Kenney para suriin ang kuta ng ASG. "This has been a spectacular visit," aniya Keating kasabay ng pahayag na kailangang ipagpatuloy ang kooperasyon ng US at AFP para tugusin ang mga terorista. Bukod sa opensiba laban sa ASG at JI, sinabi ni Cedo na patuloy ang mga massive humanitarian mission sa Jolo para makuha ang tiwala ng mga residente. "The operation is not only about fighting the terrorists. This is also a fight to win the hearts and minds of the civilians," aniya. "We want to transform Sulu into a place where everybody can live peacefully and with out fear." Nilagdaan nina Esperon at Keating nitong Miyerkules ang bagong security accord na magbibigay daan sa panibagong joint anti-terror training sa susunod na limang taon. “We expect that there will be an expansion from bilateral activities to multilateral. Where it is legally permissible, we will do it as addressing security threats could not be limited to arrangements," ani Esperon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV