ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga bangkay, nakita sa ikalawang palapag ng nasunog na gusali sa Valenzuela City


 
 
 
 
 
 


Kinumpirma ng opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mayroon mga bangkay na nakita sa ikalawang palapag ng nasunog na pabrika sa Valenzuela City nitong Miyerkules.

Dahil dito, inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi sa nasabing trahedya na naganap sa barangay Ugong.

Unang iniulat na tatlo ang kumpirmadong nasawi sa sunog at may 65 kawani ang nawawala sa naturang pabrika o pagawaan ng tsinelas.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, sinabi nito na inihayag umano ni BFP director Chief Supt. Ariel Barayuga na may 28 bangkay na nakita sa gusali.



Sa hiwalay na payaman ng GMA News kay Barayuga, sinabi nito na inaalis pa ang gumuhong bubungan at pader ng gusali na tumabon sa mga biktima kaya hindi pa matiyak ang eksaktong bilang ng posibleng mga nasawi sa sunog.
 
Nauna nang sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, na lumilitaw sa bilang ng local social welfare department mula sa mga naghahanap na pamilya na mayroong 65 katao na nawawala at pinapangambahang nakulong sa nasunog na gusali.

Dakong 7:01 p.m. nang ideklara ng "fire out" ang sunog na nagsimula bago magtanghalian nitong Miyerkules.

Batay sa inisyal na impormasyon, nagsimula ang sunog nang masindihan ng baga mula sa pagwe-welding ang kemikal na nasa pabrika.

"Noong tinanong ko 'yung may-ari, hindi nila tayo masagot kasi nasunog din ang logbook nila. So, hindi nila alam kung ilan ang nasa loob. Pangalawa, 'yung foreman na nakakaalam kung ilan ang naka-shift, nasa loob din," ani Gatchalian.

Dagdag ng alkalde, dinala na ang mga pamilya ng mga biktima sa barangay hall na malapit sa morgue na tutukoy sa pagkakakilanlan ng mga labi.
 
"We will need professional morgue assistance para ma-identify 'yung mga katawan. 'Yan ang ginagawa namin, ma-identify ang mga labi para naman matahimik ang pamilya at malaman nila kung ano na talaga ang nangyari sa kanilang kapamilya," ani Gatchalian.
 
Nangako rin ang alkalde na magbibigay ng tulong pinansiyal at legal ang lokal na pamahalaan sa mga naulila.
 
"Alam natin na maghahanap sila ng sagot sa mga katanungan nila kung bakit nangyari ito," ayon kay Gatchalian. — FRJ, GMA News