ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

May-ari ng nasunog na pabrika sa Valenzuela city, tinawag na imoral ni Sec. Baldoz


Kinastigo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz nitong Biyernes ang may-ari ng pabrika ng tsinelas na nasunog at kumitil sa buhay ng 72 manggagawa nito. Ayon sa kalihim, inabuso ng may-ari ng Kentex Manufacturing ang mga manggagawa.
 
Sa exclusive interview ng Agence France-Presse (AFP), sinabi ni Baldoz na nilabag ng may-ari ng Kentex Manufacturing ang mga batas tungkol sa paggawa na naggagarantiya ng minimum wage, pensiyon at social security sa mga trabahador nito.
 
“They are not only illegal, they are immoral. This employer, they don't have a sense of social responsibility," anang kalihim.
 
Sinasabing nagsimula ang sunog sa pabrika sa barangay Ugong nang magliyab ang kemikal nang matapunan ng baga mula sa ginagawang pag-welding sa pabrika.
 


Halos karamihan sa 72 nasawi ay nakita sa ikalawang palapag ng gusali matapos silang makulong dahil may rehas ang mga bintana kaya hindi na sila nakalabas.
 
Ayon sa nakaligtas na trabahador at mga kaanak ng mga biktima, walang fire safety training na ibinigay sa kanila ng may-ari ng pabrika.
 
Inakusahan din nila ang kompanya na hindi naaayos sa minimum wage law ang nakukuha nilang sahod, wala silang pensiyon, health at iba pang social security benefits.
 
Kinumpirma naman ni Baldoz na gumagamit ang kompanya ng "fly-by-night subcontractor" para kumuha ng mga manggagawa.  Dahil dito, hindi umano nagbibigay ng tamang sahod at benepisyo ang kinukuhang middle-man agency.
 
"We will not accept their excuse," ani Baldoz.
 
Nitong Huwebes, sinuri ni Interior Secretary Mar Roxas ang nasunog na pabrika at nakita ang ilang kapabayaan na nagdulot ng trahedya.
 
Paiimbestigahan din ng kalihim ang pagkakaroon ng rehas sa mga bintana at kawalan umano ng maayos na fire exit kaya nakulong ang 69 sa mga nasawi sa ikalawang palapag ng pabrika.
 
Sinabi naman ng ilang lider ng mga manggagawa na may pananagutan din ang pamahalaan sa nangyaring trahedya dahil sa kapabayaan na suriin ang kaligtasan ng gusali at maipatupad ang itinatakda ng batas sa paggawa.
 
Ang mga manggagawa na nagprotesta sa labas ng nasunog ng pabrika, katarungan ang hiling para sa mga nasawing biktima.
 
Hindi pa nakuha ng AFP ang panig ng Kentex. — AFP/FRJ, GMA News