ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Mga Tagapagbalitang Pinagbuklod ng Bisikleta: Papadyak kami hanggang sa aming pagtanda
By JUN VENERACION, GMA News
Pagkakaibigang pinagtibay ng pagbibisikleta—ganyan siguro puwedeng isalarawan ang aming kwento.
Hindi ko na maalala kailan nagsimula ang aming pagkakaibigan, matagal na kasi masyado.
Kami ni Raffy Tima, unang nagkakilala nung nasa maliit na istasyon ng telebisyon pa lang kami nagtatrabaho, nung panahon na uso pa ang maluwag na pantalon at oversized na pantaas, marahil epekto ng rap culture.
Si Ivan Mayrina, nakikita ko na noon sa mga field coverage, pamatay nya na porma ang nakabukas hanggang pangalawang butones ng polo. Sabi ko sa sarili ko, ang angas naman ng dating nito. Matangkad sya masyado para sa akin, kaya hinayaan ko na lang--matinding mismatch eh.
Paglipat ko sa GMA-7, si Raffy ang madalas kong kasama, lalo na after ng work. Hanggang si Ivan nakakasama na rin namin. Naisip ko tuloy, mali ang impression ko sa kanya. Baka naman naa-angasan din sya sa akin noon.
Fast forward---ilang taon na rin ang nakaraan nang makahiligan nila ang triathlon. Naiisip ko naman, anong kalokohan ang ginagawa nitong mga kaibigan ko---langoy, takbo, bisikleta.(not sure kung tama ba ang sequence)
"Sali ka na, dong," yan ang madalas kong marinig sa kanila. Nga pala, “dong” ang tawagan namin. Yan ang nakuha namin sa mga coverage sa Mindanao. Pag sinabing "dong," parang tawag na "lakay" ng mga Ilokano, "cabalen" ng mga Kapampangan at "kosa" ng mga taga "oblo"(kulungan)
Napa-oo din nila ako, pero hindi na triathlon—sa duathlon lang (takbo at bisikleta). 'Di nagtagal, bumigay ay marupok ko na tuhod, gastado kasi masyado nung kabataan ko, basketball dito, basketball doon. Kaya hanggang padyak na lang ako ngayon.
Pag nagkakaharap kami sa aming paboritong tambayan, (bahay nila Ivan) ibat-iba ang nakahain na kwento, pero never pa nangyari na hindi nakasama sa kwentuhan ang bisikleta.
Si Ivan ang aming "bike guru." Kung kailangan lang ni Ma'am Jessica Soho ng ka-banter sa State of the Nation(SONA), at ang topic ay bisikleta, eh siguradong ubos ang oras ng SONA pag si Ivan kaharap nya.
Sa aming tatlo, si Ivan ang pinakamalakas, sunod si Raffy at ako laging kulelat. Dati nung sumasama pa sa amin si Chino Gaston, proud third ako. Eh ayaw na yata ni Chino ng road bike, kaya sige lang, no problem maging kulelat. (calling Chino...calling Chino...bili ka na ulet ng road bike)
Nasubukan na naming mag-200km ride December last year. Masakit sa katawan, pero iba ang pakiramdam pagtawid ng finish line, sulit lahat ng pagod.
Nitong nakaraang Linggo, may sinalihan kami na race sa Subic. Nasa 90 km ang karera, pero ang daming matarik na akyatan. Siempre, sa simula, dikit-dikit kami. After few minutes, hindi ko na sila matanaw. Iniwanan na naman ako ng mga kaibigan ko.


Ang hirap pumadyak na puro paahon ang nakikita...parang may bumubulong sa tenga mo---tigilan mo na yan, hindi mo ako kayang akyatin. Picture this: nagpa-panic kayo sa top floor ng mataas na building, you're gasping for air, heart is pounding and legs about to explode).
Pagkaraan ng lampas tatlong oras, natawid din namin ang finish line, siempre magkakaiba ang oras. As usual si Ivan ang nauna, sunod si Raffy, at ako pa rin ang kulelat. Baka naman age factor ito: 43 na ako, si Raffy ay 40 at si Ivan ay 38.
Pangarap ko rin talaga na maiba ang sequence namin sa finish line, pero ok lang. Sa ngayon mas importante sa akin ang matapos ang karera.
Kinabukasan, sakit sa katawan na ang topic namin. Si Raffy masakit ang mga braso, ako masakit ang mga hita at pwet. Si Ivan, likas na malakas sa bisikleta, ang sakit sa katawan namin, baka kurot lang para sa kanya.
Pagkatapos magreklamo ng body pains, sigurado pag nagkita-kita kami, next race naman ang aming pag-uusapan. Iba rin kasi ang pakiramdam na matapos ang isang karera, lalo na pag tipong halos magkulay puti na ang paningin sa sobrang hirap pumadjak.
Pagdating ng panahon na senior citizen na kami, bisikleta pa rin ang siguradong ang isa sa mga topic sa aming umpukan. Wala ng 200-km ride for sure at kahit 90-km, malabo na yan. Pero, kahit mabagal, kahit maiksi lang na distansya, sigurado papadyak at papadyak pa rin kami. — ELR, GMA News
More Videos
Most Popular