ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ina na lango umano sa droga, hinihinalang pinaslang ang 2 batang anak


Wala nang buhay nang matagpuan sa kanilang bahay ang batang magkapatid sa San Mateo, Rizal. Ang suspek sa karumal-dumal na krimen, ang sarili nilang ina na umano'y lango sa shabu.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali nitong Huwebes, sinabing ang magkapatid na biktima ay nasa edad na dalawang taon at ang isa naman ay apat na buwan.
 
Natagpuan ang bangkay ng magkapatid ng kanilang mga kaanak na pilit na sinira ang pinto nang nag-alala nang hindi lumabas sa kanilang bahay ang mag-iina nitong Miyerkules ng hapon sa barangay Silangan.

Inabutan din ang suspek na ina na duguan matapos maglaslas ng pulso.



Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na suffocation ang ikinamatay ng mga bata.

Sa loob ng kulungan, sinabi ng suspek na tinakpan niya ng kaniyang kamay ang mga bata.

Pero hindi niya masabi ang dahilan kung bakit niya nagawa ang krimen. Ang pagkakaalam lang daw niya ay pinatulog lang niya ang mga anak.

Natagpuan sa pinangyarihan ng krimen ang isang kitchen knife na hinihinalang ginamit ng suspek sa paglalaslas sa sarili.

Ang mister ng suspek, hinihinalang droga ang dahilan kung bakit nangyari ng asawa ang krimen.

May nakita rin ang mga awtoridad ng mga drug paraphernalia sa bahay.

Inamin naman ng ginang gumamit siya ng droga bago ito nangyari.

Bagamat hindi makapaniwala ang kaniyang pamilya sa nangyari, tanggap nila na dapat harapin at panagutan ng ina ang ginawa nito sa mga anak.

Mahaharap sa kasong two counts of paricide ang ginang. -- FRJ, GMA News

Tags: crime