10 bahay sa Maynila, tinupok ng apoy
Aabot sa 10 bahay ang tinupok ng apoy sa Malate, Maynila mdaling-araw nitong Biyernes.
Ayon sa mga residente, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng mga Castro sa Dagonoy Street sa Singalong.
Kwento ng binatilyong si Pepeng, nag sindi ng kandila ang kaniyang kapatid at nakatulog na naiwang nakasindi ang kandila, hanggang sa masilaban nito ang kalapit na kurtina na nahipan ng hanging.
Pasado alas-dos nang iakyat ang unang alarma sa residential area na apektado ng sunog. Umabot ito sa ika-limang alarma, ngunit naapula agad ang apoy dakong 3:39 ng madaling-araw.
Ilang buwan na umanong walang kuryente ang bahay na pinagmulan ng apoy, hindi rin ito ang unang pagkakataon na nagkasunog sa lugar dahil sa naiwang naka sinding kandila.
Ayon sa mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, aabot sa 20 pamilya ang apektado ng sunog.
Sa paunang imbestigasyon, nasa P500,000 ang halaga ng mga ari-ariang nilamon ng apoy at nadamay pa ang Barangay Hall ng Brgy. 133.
Walang nai-ulat na nasugatan sa insidente bagama't agad dinala sa ospital ang isang 80-anyos na ginang na nahirapan huminga at tumaas ang blood pressure dahil sa takot. — LBG, GMA News