Bakit tanyag si Anacleto del Rosario noong sakop ng mga Kastila ang Pilipinas?
Sino nga ba si Anacleto del Rosario na sikat sa larangan ng agham noong panahong nasa ilalim ng pamamahala ng mga Kastila ang Pilipinas? Katunayan, maging sa talumpati ng ilang kilalang lider ng bansa ay nababanggit ang kaniyang pangalan.
Si Anacleto del Rosario ay isang chemist na isinilang sa Sta Cruz, Maynila noong 1860.
Noong panahon sakop ng mga Kastila ang Pilipinas, si del Rosario ang kinikilalang pangunahing Pinoy chemist. Ilang botika ang pinamahalaan niya sa Maynila.
Nagsagawa siya ng mga pag-aaral sa mga halaman para magamit na gamot. Sinabing nakaimbento rin siya ng alak na tuba mula sa nipa palm na kinilala sa World Fair noong 1881 sa Paris.
Sa isang komperensiya tungkol sa medisina noong 1943, binanggit sa talumpati ni dating Pangulong Jose Laurel ang pangalan ni del Rosario.
Sa pagpupugay naman ni dating Senador Claro M. Recto sa burol ng namayapang si dating Pangulong Manuel L. Quezon noong 1946 na ginawa sa chapel ng University of Sto Tomas, binanggit niya sa kaniyang talumpati ang pangalan ng ilang kilalang Pilipino na nagtapos sa nabanggit na pamantasan, kabilang na si del Rosario. -- FRJ, GMA News