ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Valenzuela fire probe, tapos na; baga mula sa welding, kumpirmadong sanhi ng sunog


Natapos na ang isinagawang pagsisiyasat ng Interagency Anti-Arson Task Force sa pinagmulan ng sunog sa pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City na naganap noong Mayo 13 kung saan 72 katao ang nasawi.

Ayon kay F/Supt. Renato Marcial, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection, kumpirmadong baga mula sa welding na tumama sa kemikal ang pinagmulan ng sunog na kumitil sa buhay ng 72 trabahador.

Sa nabanggit na bilang ng mga nasawi, 69 sa kanila ay nakitang magkakasama sa ikalawang palapag ng pabrika.



Ito raw ay base sa isinagawang walkthrough sa pabrika ng IATF nitong Biyernes kasama ang mga tauhan ng BFP at Philippine National Police. Sa naturang pagsisiyasat, may mga nakuha pang welding embers at welding rod.

Lumitaw sa imbestigasyon na tumama ang baga ng welding mula sa ginagawang roll up door ng pabrika sa may 400 na sako ng blowing agent, na naging dahilan nang mabilis na pagkalat ng apoy.

Sa naturang walkthrough, kinumpirma rin ng IATF na dalawang minuto makaraang tumama ang baga mula sa welding, sumabog na ang mga kemikal.

Gayunman, sinabi ni Marcial, na kahit may etiketa ang mga sako ng kemikal na unang tinukoy na azodi-carbonamide, kailangan pa muna itong makumpirma sa pamamagitan ng chemical analysis.

Lumabas sa pagsisiyasat na ang nakalalasong usok na nilikha ng mga nasunog na kemikal ang dahilan kung bakit naipit sa ikalawang palapag ng pabrika ang may 69 na manggagawang nasawi.

Kahit natapos na ang imbestigasyon, sinabi ni Marcial, na hindi pa puwedeng i-turnover sa pamunuan ng Kentex manufacturing ang gusali. Kailangan daw munang tapusin ang final report ng IATF na inaasahang makukompleto sa huling linggo ng Mayo.

Ito'y alinsunod na rin sa two week time frame na naunang sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, na nakasasakop sa IATF.

Samantala, kahit nakumpirmang sa pagwe-welding nagsimula ang sunog, hindi pa masagot ng BFP kung ano ang legal na pananagutan ng sumukong welder ng naturang pabrika.

Pero ayon kay Marcial, may posibilidad na maging testigo ang welder dahil makatutulong ang testimonya nito para mabigyan ng linaw ang ilan pang katanungan tungkol sa pagkukulang at pananagutan sa nangyaring trahediya. -- FRJ, GMA News