Ano ang dapat gawin ng Pilipinas sa girian ng US at China kaugnay ng West PHL Sea?
Lalong uminit ang tensiyon sa West Philippine o South China Sea matapos pumalag ang Amerika sa pagkontrol ng China sa karagatan at himpapawid sa bahagi ng pinag-aagawang teritoryo. Giit ng US, walang karapatan ang China na kontrolin ang mga barko at eroplano na dumadaan sa naturang lugar dahil sa international freedom of navigation.
Kung si Prof. Clarita Carlos ng Department of Political Science ng University of Philippines, sinabi nito na hindi umano dapat makialam ang Pilipinas sa away ng dalawang higanteng bansa na US at China.
"Hindi naman 'yan magbubunggo at magsasalpukan," paliwanag niya sa ulat ng GMA News TV's 'Balitanghali' nitong Martes. "Ang US ayaw niyang magkaroon ng hegemony ang China sa ating rehiyon. Ang China naman wants to deny the region to the Americans. Ganiyan yung kanilang rivalry, tayo mga langgam tayo na baka maapakan tayo, so let's get out of the way."
Para kay Carlos, "military posturing" ang ginagawa ng US tulad ng plano nito na ipadala sa Japan ang nuclear-powered aircraft carrier na USS Ronald Reagan para tapatan ang pagiging agresibo ng China. Ilang isla na ang ginawa ng China sa pinag-aagawang teritoryo at ipinagpipilitan nila ang mapa na "nine-dash line" na nagpapakitang kontrolado nila ang halos 90 porsiyento ng South China Sea.
Sa kabila nito, umaasa pa rin si Carlos na hindi mauuwi sa digmaan ang girian ng US at China.
"Maraming mga pag-uusap on different levels and sana naman hindi humantong na magkaroon ng aksidente at magkaroon ng recklessness and carelessness. Alam mo na, diyan nag-uumpisa yung pandaigdigang giyera," aniya.
Nitong Lunes, sinabi naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na makikipag-usap siya kay US Secretary of Defense Ashton Carter para talakayin ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Ayon sa kalihim, tatanungin siya si Carter tungkol sa posibleng ayuda na maaaring ibigay ng US sa Pilipinas kaugnay pa rin ng sitwasyon sa agawan sa mga teritoryo.
"The subject will be the West Philippine Sea.... Itatanong natin kung hanggang saan ang tulong na maibibigay nila to more or less keep us safe from harassment," paliwanag ni Gazmin.
Sa susunod na linggo, bibiyahe si Pangulong Benigno Aquino III para sa three-day visit sa Japan, na mayroon ding hiwalay na gusot sa China dahil din sa agawan sa teritoryo.
Inaasahang makatatanggap din ng tulong ang Pilipinas sa Japan para mapaigting ang pagpapatrolya nito sa karagatan ng bansa.
Paliwanag naman ni deputy presidential spokesperson Usec. Abigail Valte, hindi naman sumasandal lang sa isang tao o isang bansa ang Pilipinas para resolbahin ang problema ng agawan sa teritoryo sa China.
Hangad pa rin umano ng pamahalaang Aquino na malutas sa mapayapang paraan ang usapin dahil na lang ng arbitration case na inihain ng Pilipinas laban sa China sa United Nation.
"It’s not really that we depend solely on one person or one country, but it’s a consideration of what we have,” ani Valte. "As you can see in crafting our position when it comes to the dispute in the West Philippine Sea, the country, the administration does take into consideration several factors before we had arrived at a decision to file the memorial before the Arbitral Tribunal.”
Dagdag ng opisyal, pinapahalagahan ng pamahalaan ang suportang ibinibigay ng iba't ibang bansa sa Pilipinas tungkol sa usapin.
"Responsible members of the international community have affirmed the Philippines’ position in terms of our approach to resolving the dispute and to us that’s very important,” pahayag niya.
Nauna nang nagbabala ang militanteng grupo na Bagong Alyansang Makabayan, na hindi makatutulong sa Pilipinas ang pagkakaroon ng puwersang militar ng US para malutas ang problema nito sa China.
"We cannot effectively defend our territorial waters and exclusive economic zone against China if we continue to remain a neo-colony of the United States. It is our reliance on the US which has made our country weak and unable to develop the economic means and military capability to defend our waters," ayon sa isang pahayag ni Bayan secretary general Renato Reyes Jr. -- FRJ, GMA News