ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga mamimili ng school supplies, dagsa pa rin sa Divisoria


Dagsa pa rin ang mga mamimili sa Divisoria isang araw bago ang unang araw ng pasukan sa ilang pampublikong paaralan.

Huling bargain na ang presyo ng mga paninda dito; ito na raw ang pinakamababang presyong alok ng mga manininda dahil pasukan na bukas.

Ang mga mamimili naman pami-pamilyang nagpunta rito at karamihan sa kanila bitbit ang mga anak na bibilhan ng mga school supplies, sa gayun daw ay sakto ang kanilang mga mabibili. Dahil kasama raw nila ang kanilang mga anak, ibayong ingat ang kanilang ginagawa. Lagi raw nilang hawak ang kamay ng kanilang mga anak kahit saan magpunta.

Binilin din daw nila sa kanilang mga anak na kapag nawala ay hanapin agad ang pulis at ibigay ang numero ng kanilang bahay.

May mga baon din daw silang mga tuwalya at tubig na panlaban sa init.

Kahit mainit naman daw at siksikan dadayuhin pa rin nila ang Divisoria dahil sa murang presyo ng mga paninda rito. Ang notebook na may cover na ay nasa P14 kada piraso. Ang de tahi P10 at ang spiral naman ay P9. Ang lapis at ballpen mabibili sa P7. Kung bag naman ang hanap mabibili ito hanggang P380 ang isa.

Sa uniporme naman, kumporme sa laki ang presyo. Ang palda mabibili sa P160 hanggang P260. Ang polo blouse naman mabibili sa P110 hanggang P250, at ang pantalon sa P165 hanggang P360. — BM, GMA News