Sen. Grace Poe, sinagot ang matagal nang usap-usapan na anak siya ni ex-Pres. Marcos
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, sinagot ni Senadora Mary Grace Poe ang matagal nang bulung-bulungan na sina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at aktres na si Rosemarie Sonora, ang tunay niyang mga magulang.
Pero pagtiyak ni Poe, walang katotohanan ang naturang espekulasyon tungkol kina Marcos at Sonora, na kapatid ng kaniyang kinikilalang ina na si Susan Roces.
"Alam mo unang-una, tinanong ko nanay ko (na si Susan). Ang nanay ko hindi naman magsisinungaling, sabi niya nung mga panahon na 'yon may mga isyu na lumalabas na ganun. Pero ang tita ko po (na si Rosemarie) na malapit ako doon, hindi talaga totoo 'yon," ani Poe.
Base sa mga ulat, sanggol pa si Poe nang iwan umano ng tunay na ina sa isang simbahan sa Iloilo. Dito siya nakita ng isang ginang, na kinalaunan ay ipinagkatiwala naman sa isang kaanak, hanggang sa maipaampon siya sa kinikilalang mga magulang na sina Susan at Fernando Poe Jr.
WATCH: Ang sinasabing pinagmulan ni Sen. Grace Poe
Ayon sa senadora, wala siyang ibang paniniwalaan tungkol sa kaniyang tunay na pagkatao kung hindi ang mga kinalakihang magulang.
"Ngayon kung may magpapatunay na iba sa showbiz, bahala sila pero pinaniniwalaan ko ang aking nanay," aniya.
Gayunman, inamin ni Poe na minsan ay ginagawa nilang biruan ni Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., anak ng namayapang dating pangulo, ang espekulasyon na magkapatid sila.
"Minsan naglolokohan kami ni Sen. Bongbong, sabi ko, 'Sen. Bongbong hindi kita pupwedeng bigyan ng special consideration sa Mamasapano (probe) na hahabaan ko ang time mo nang pagtatanong dahil baka mamaya mas maniwala pa sila na magkapatid tayo, eh hindi naman totoo 'yon," natatawa niyang kuwento.
Sakabila ng lahat, sinabi ni Poe na hindi siya nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na posibleng lumabas ang tunay niyang mga magulang.
"Noong 2013 (elections nang tumakbo siyang senador), sinabi naming sa pagkakataon na ito, lalabas na. Pumunta ako ng Jaro (Iloilo), ilang beses, mga kaibigan ko tinatawagan ko. Minsan nga halos nagmamakaawa na ako, Manong Jun, yung pamilya na kumuha sa akin, sabihin mo naman talaga sa akin sino (ang mga magulang ko)," pagbahagi ng senadora.
Patuloy niya, "Kasi ang hirap na rin nito, siyempre nasa isip at puso ko 'yan. Ano ba talaga ang nangyari, hindi daw talaga nila alam. Ngayon kung dumating man 'yan (na lumabas ang mga tunay na magulang), salamat. Kung hindi man dumating, ang kinikilala kong mga magulang at habang buhay ako magpapasalamat at doon sa nagpalaki sa akin. Gayunpaman nagpapasalamat din ako sa aking nanay (na nagluwal sa akin) na pinili niya ang buhay. She chose life." -- FRJ, GMA News