Earthquake drills, isinagawa sa Taguig City na dinadaanan ng Valley Fault System
Para maipadama ang lakas ng lindol, ipinasubok sa ilang estudyante at ilang residente sa Taguig City nitong Huwebes ang mobile earthquake simulator ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Isinagawa ng MMDA ang earthquake drills sa Kapt. Eddie Reyes Memorial Elementary School sa barangay Pinagsama, na pinangunahan nina MMDA chairman Francis Tolentino at Taguig City Mayor Lani Cayetano, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Mismong sina Tolentino at Cayetano ang nagturo sa mga estudyante at nagpakita kung ano ang dapat gawin kapag naganap ang pagyanig ng lupa.
Ipinasubok sa ilang estudyante ang lindol na may lakas na magnitude 6 sa loob ng mobile earthquake simulator. Itinuro sa kanila na kailangang magtago sa ilalim ng lamesa at dapat takpan ang ulo para hindi mabagsakan ng bagay na bahagi ng tinatawag na "drop, cover and hold."
Ipinasubok din sa mga kinatawan ng barangay ang simulator upang makakuha sila ng kaalaman kung gaano kalakas ang magnitude 6 na lindol.
Ayon kay Tolentino, itinaon nila ang paglibot ng mobile simulator sa unang linggo ng pasukan upang matutukan ang mga estudyante.
Inaasahan na ang anumang matututunan ng mga mag-aaral ay maibabahagi nila sa kanilang pamilya.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Cayetano sa MMDA at sa Department of Education na tumulong upang maisagawa at maging matagumpay ang naturang pagsasanay.
Bagamat 2010 pa nang ipinatupad ang information drive at earthquake drills sa Taguig city, sinabi ng alkalde na nadagdagan ang kanilang kaalaman dahil na rin sa bagong atlas na ipinalabas ng Phivolcs kaugnay sa mga barangay na dinaraanan ng Valley Fault System.
Isa ang Taguig city sa mga lugar na dinadaanan ng nasabing fault line na pinapangambahan ng Phivolcs na magdulot ng matinding pinsala sa Metro Manila kapag lumikha ng malakas na lindol kapag gumalaw.
Idinagdag ng opisyal na malaki ang papel ng ginagampanan ng mga guro upang maipaalam sa mga estudyante ang dapat gawin kapag may malakas na lindol.
Sa kabuuan, aabot sa 84 barangay sa Metro Manila ang pupuntahan ng MMDA para bigyan ng kaalaman ang publiko tungkol sa mga gawin kapag tumama ang isang malakas na lindol. -- FRJ, GMA News