ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bahay ni Sen Jinggoy Estrada, nilooban; suspek, kumain at dumumi pa raw sa bahay


Naaresto ang isang lalaki na nanloob umano sa bahay ni Senador Jinggoy Estrada sa isang exclusive subdivision sa Quezon City.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dakong 2:00 a.m. nang pasukin daw ng suspek na si Eric Dalagan ang bahay ng senador.



Dumaan daw ang suspek sa likod ng bahay at hinalughog ang kuwarto ng anak ng senador na si Jill at ang opisina ng asawa niya na si Precy.

Nagawa pa raw kumain ng suspek at dumumi sa balkonahe ng bahay.

Nang dumating ang pamilya Estrada, doon na nila nakita ang suspek at kaagad silang humingi ng saklolo.

Tinangka umano ng suspek na tumakas pero nahuli siya ng mga guwardiya at binugbog.

Hindi pa tukoy kung magkano ang sinubukang nakawin ng suspek, na napag-alaman na isang construction worker.

Iniimbestigahan ngayon kung paano siya nakapasok sa subdibisyon. Pero posible raw na dati itong nagtrabaho sa lugar kaya kabisado niya ang pasikot-sikot.

Nakakulong ang suspek sa Quezon City Police District Station 12, at hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.

Kasalukuyang nakadetine si Estrada sa Custodial Center ng Philippine National Police dahil sa kinakaharap niyang kasong katiwalian dahil sa umano'y maanomalyang paggamit ng kaniyang pork barrel funds.

Mariin namang itinanggi ng senador ang mga paratang. -- FRJ, GMA News