ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Extortion group sinisilip sa bus bombing sa S. Cotabato


Naniniwala ang awtoridad sa South Cotabato na isang kilabot na extortionist group ang nasa likod ng mga pambobomba sa mga pampasaherong bus sa lalawigan. Sinabi ni Supt. Datu Nasser Pendatun, deputy police director ng South Cotabato, nakatanggap ng mensahe mula isang grupo na pinamumunuan ng isang “Alcobar" ang Yellow Bus Line company bago naganap ang pambobomba noong Sabado. Sa text message, sinabi ni Pendatun, na nagbabala ang grupo na ang Yellow Bus Line na ang susunod nilang target kapag tumanggi ang kompanya na magbigay ng protection money. Ang naturang text message ay binalewala umano ng may-ari ng kompanya hanggang sa maganap na ang pambomba sa isa nilang bus. "Our investigators are still determining the kind of explosive. It's possible the group behind yesterday's attack and previous bombings on Weena Bus Line was the same," anang opisyal ng PNP. Idinagdag ni Pendatun na sinisilip din nila ang anggulo kaugnay sa plano ng mga kawani ng bus company na mag-rally upang humingi ng dagdag na sahod. Ang improvised bomb ay sumabog ilang sandali matapos makababa ng bus (body number 7508) ang may 40 pasahero. Sa lakas ng pagsabog, nawasak ang harapan bahagi nito. Ayon kay Mario Salasar, drayber ng bus, isang lalake na nakasuot ng black t-shirt at may bitbit na kahon ang sumakay sa bus sa Tacurong City at bumababa sa harap ng isang mall bago naganap ang pagsabog. Sinabi naman ni Jane Gabucan, city social welfare and development officer, isang 28-year-old na bystander ang nasasaktan sa insidente. - GMANews.TV