ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng may kargang sanggol, na-hulicam na nandukot ng pitaka ng kostumer sa tindahan


Nakunan sa closed-circuit-television camera sa loob ng isang tindahan sa Pagadian city ang pandurukot ng isang babaeng may hawak na sanggol sa pitaka ng isang namimili.

Sa ulat ng GMA News  TV's Balita Pilipinas nitong Martes, ipinakita ang bahagi ng kuha sa CCTV na makikita ang babae na may kargang bata na tila karaniwang namimili rin sa loob ng tindahan.

Hindi nagtagal, lumapit at dinikitan ng babae na may kargang sanggol ang isang babaeng kostumer na may nakasukbit na sling bag.

Sa isa pang kuha ng CCTV kinalaunan,makikita na ang babaeng biktima na magbabayad na sana sa kaniyang mga pinamili pero nagulat siya nang malamang wala na ang kaniyang pitaka.

Halos mapaluha ang biktima na sinasabing nasa P3,000.00 umano ang laman ng nawala niyang pitaka.

Inireport na sa pulisya ang insidente at patuloy na inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek. -- FRJ, GMA News

Tags: pickpocket, dukot