2 eroplano nagbanggaan, 3 patay!
Tatlo ang iniulat na namatay at isa pa ang nasugatan matapos magsalpukan ang dalawang maliit na eroplanong Cessna sa bahagi ng Ligas village sa Malolos, Bulacan nitong Linggo. Sa ulat ng radio dzBB, ang tatlong biktima ay pawang mga Indian nationals na nagsasanay magpalipad ng eroplano na flight RP-2679 at RP-8696. Kinilala ang mga nasawi na sina flight instructor Patrick Phili Teruel, at student pilot na si Warsha Gopinant na sakay ng RP-2679 at si Rena Salve na nakasakay naman sa PR-8696. Hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan ng nasugatan na sinasabing isinugod sa pagamutan. Iniimbestigahan din ang mga impormasyon na mistulang naghahabulan umano sa ere ang mga eroplano bago naganap ang insidente. Sa naunang panayam ng radio dzBB, sinabi ni PO2 Merwin Lopez ng PNP-Malolos, inaalaman pa nila kung nagsasanay ang mga piloto ng dalawang eroplano nang maganap ang insidente dakong 12:55 p.m. Inihayag naman ng impormante mula sa Air Transportation Office na ang dalawang sasakyan ay karaniwang ginagamit sa pagsasanay sa pagpapalipad ng eroplano.- GMANews.TV