ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking namimitas ng bunga sa isang puno, patay nang makuryente


Nangyari ang pinapangambahan ng isang pamilya sa Camaligan, Camarines Sur nang makuryente ang isa nilang kaanak sa nakalawit na live wire na matagal na raw nilang inireklamo sa isang electric cooperative.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nadikit ang biktima sa isang live wire habang namimitas ng bunga sa isang puno sa tapat ng kaniyang bahay.



Hindi umano napansin ng biktima ang nakalaylay na kawad ng kuryente na matagal na raw inireklamo ng pamilya sa Camarines Sur Electric Cooperative o Casureco 1 pero hindi inaksyunan.

Humihingi ngayon ng tulong pinansyal ang pamilya ng biktima sa nabanggit na kumpanya.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Casureco 1, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News