ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paring exorcist, iimbitahan sa Cebu jail dahil sa 'sanib'


Matapos saniban daw ng masamang ispiritu ang siyam na babaeng nakakulong sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center, plano ng mga opisyal nito na mag-imbita ng pari para ipabasbas ang kanilang pasilidad. 

Ayon kay Marco Toral, consultant ng CPDRC, magdadagdag din sila ng religious activities para sa mga preso. 
 
Sa ulat ni Vic Serna ng GMA Cebu, plano nilang anyayahan sa kulungan si Msgr. Fred Kreikenbeek, ang opisyal na exorcist o taga-alis ng masamang ispiritu ng Cebu Archdiocese.  Hihilingin daw nilang siya na rin ang magbasbas sa pasilidad. 
 
Noong Lunes ng gabi, nagkagulo sa CPDRC matapos sapian daw ng masamang ispiritu ang siyam na babaeng preso. Nagsisigaw at nagwala raw ang mga ito at hindi mapatahimik ng mga opisyal at tauhan ng pasilidad, kahit pa tulung-tulong ang mga ito sa pagpapakalma sa mga umano'y sinaniban.  
Isang pari, si Fr. Rogelio Bag-ao, kasama ang ilang lalaking may dalang krus, ang nagbasbas gamit ang holy water sa mga umano'y sinapian. Binasbasan din niya ang dormitoryo kung saan nakakulong ang mga babae. 

Ayon kay Fr. Bag-ao, may iba pang posibleng dahilan ang pagwawala ng mga babae. Maari aniyang depression o sobrang pagod ang naramdaman ng mga ito.

Nitong Miyerkoles ay balik na sa normal ang siyam na preso. Nakibahagi sila sa isang religious service. Wala raw silang natatandaan sa nangyari noong Lunes ng gabi.

Ayon kay Toral, plano niyang pasalihin sa mga religious activities ang mga preso sa CPDRC. Pasasalihin din daw ang mga ito sa mga laro tulad ng volleyball tuwing hapon. - Joel Locsin/JJ, GMA News