ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Anti-terrorism law binatikos ng mga obispo


Nangangamba ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na posibleng pagmulan ng kaguluhan at takot ng mamamayan ang ipatutupad na anti-terror law kung hindi ito rerepasuhin ng Kongreso. Sa pastoral statement nitong Lunes, hiniling ng CBCP sa pamahalaan na pag-aralan pang mabuti ang naturang batas at magsagawa ng dayalogo tungkol dito. Bagaman kinukondena ng simbahan ang terorismo na sagabal sa kapayapaan, ang kahulugan umano ng salitang “terorista" sa ilalim ng batas ay posibleng magdulot ng mas maraming pinsala kaysa kabutihan. "The definition of terrorism in Section 3 is broad and dangerous. It may serve and create a condition of widespread panic," nakasaad sa pahayag na nilagdaan ni CBCP president Angel Lagdameo. Idinagdag ni Lagdameo na may nakita silang limang probisyon sa anti-terror law na maaaring magbigay ng panganib sa kalayaan ng isang indibidwal. Kabilang dito ang Sec. 19 kung saan pinapayagan na ikulong ang isang pinaghihinalaang terorista nang mahigit tatlong araw kapag may naganap na terrorist attack. Samantala, pinapayagan naman sa Sec. 26 ang house arrest kahit pa nakapaghain ito ng piyansa. Hindi rin maaaring bumiyahe at makipag-ugnayan sa iba ang isang suspek. Kasama rin sa pinuna ng CBCP ang Sec. 39 kung saan pinapayagan ang pagkuha ng pamahalaan ng mga ari-arian ng suspek; Sec. 7 kung saan pwede ang surveillance o wiretapping; at Sec. 26 na nagbibigay ng pahintot ang pagsilip sa bank deposits at iba pang pag-aari ng akusado. Ayon kay Lagdameo, ang mga nasabing probisyon ay nagpataas sa kilay ng marami, kabilang na ang mga abogado. "Since we as pastors have to look more into the morality of this law and make a pronouncement in that level, we feel that the atmosphere created by this law and its impending implementations calls on us to appeal to those concerned to review this law so that in consultation and dialog we may have a law that is truly relevant in promoting the security of the nation and in the pursuit of authentic peace," paliwanag niya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV