ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Crispin Beltran malaya na


Matapos “mapiit" ng mahigit isang taon sa ospital, nakalaya na ang 74-anyos na si Anakpawis Rep. Crispin Beltran makaraang ibasura ng Korte Suprema (SC) ang kasong rebelyon na isinampa sa kanya at sa lima pang militanteng mambabatas na tinawag na “Batasan 6." Sa ulat ng radio dzBB, dakong 9:13 pm nitong Martes nang lisanin ni Beltran ang Philippine Heart Center sa Quezon City kung saan siya na “hospital-arrest" sa loob nang 15 buwan. Ilang tagasuporta ni Beltran ang nagbunyi nang lumabas ng pagamutan ang kongresista na sinampahan ng kasong sedisyon at rebelyon noong Pebrero 27, 2006 ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group. Bukod kay Beltran, kinasuhan din sina party-list Reps. Satur Ocampo, Teodoro Casiño, at Joel Virador ng Bayan Muna; Rafael Mariano ng Anakpawis at Liza Maza ng Gabriela. Suot ang pulang damit, pinasalamatan ni Beltran, dating tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, ang mga taong nagtrabaho para sa kanyang kalayaan. "Ako ay nagpapasalamat sa Supreme Court at sa aking mga abogado, supporters at lahat ng mga taong nagmamahal sa hustisya at demokrasya sa ating bayan," anang militanteng mambabatas. Kasama ang pamilya at mga tagasuporta, tumuloy si Beltran sa Anakpawis headquarters sa Project 3, Quezon City. - Fidel Jimenez, GMANews.TV