ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ama na nakunan sa video na sinasaktan ang 2 batang anak, lulong daw sa droga


Lulong daw sa iligal na droga ang lalaki na nakita sa viral video na sinasaktan ang dalawa niyang batang anak sa Muntinlupa City, ayon mismo sa ina ng lalaki.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinalabas ang bahagi ng may walong minutong video na kuha sa cellphone, kung saan makikita ang ilang ulit na pagpalo at may kasama pang pagsipa ng suspek sa kaniyang anak.



Hindi naman matigil sa pagsigaw at pag-iyak ang mga bata dahil sa sakit na naramdaman dahil sa ginagawang paghambalos ng ama.

May pagkakataon pa na tila pinagbabantaan ng lalaki ang kaniyang batang anak na papatayin.

Sa pananalita ng lalaki, may pahiwatig na mayroon siyang kinikimkim na galit sa ibang tao at tila sa kaniyang mga anak ibinubuhos.

Base sa mga komento ng nag-upload ng video sa Facebook, sinabing kinunan nila ang pagmamalupit sa mga bata para may ebidensiya.

Ilang beses na raw ginagawa ng lalaki ang pagmamalupit sa mga bata.

Kaagad namang kumilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kaagad nilang kinuha ang dalawang bata na edad anim at apat..

Ayon kay Teresita Navarro, assistant department head ng DSWD-Muntinlupa, ang tanging pakiusap lang daw ng nagreklamo at maaksyunan at matulungan ang mga bata.

Natunton din ng GMA News ang lola ng mga bata habang naghahain ng reklamo sa Muntinlupa police laban sa lalaki, na kaniyang anak.

Hindi napigilan ng lola na maiyak nang mapanood ang video ng pananakit sa kaniyang mga apo.

Sabi ng lola, lulong sa ipinagbabawal na gamot ang anak, na hiwalay na ito sa asawa.

Ayon naman kay Annalyn Mercado, social service department ng Muntinlupa, hindi nila maaaring ibigay sa lola ang kostudiya sa mga bata dahil maaaring puntahan ito ng lalaki, na patuloy pang pinaghahanap. -- FRJ, GMA News

Tags: childabuse