Alkalde ng Tanauan, Batangas, muling namahiya ng umano'y magnanakaw bilang parusa
Isa na namang lalaki na inakusahan ng pagnanakaw ang ipinahiya ng alkalde ng Tanauan, Batangas bilang parusa sa nagawa raw nitong kasalanan.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing pinaglakad sa kalye na nakaposas at may nakakabit na karatula sa katawan tungkol sa kasalanan na kaniya raw nagawa.
Inakusahan ang lalaki na umano'y nagnakaw ng kable ng kuryente ng First Philippine Industrial Park sa lungsod na nagkakahalaga ng P3,000.
Ayon kay Tanauan City Mayor Antonio Halili, ginawa niya ang pamamahiya sa lalaki para madisiplina at hindi na umulit sa ginawang krimen.
"Kapag ang bayan mo maraming magnanakaw, masisiraan ng loob, masisira ang pangalan ng buong bayan. So sabi ko, sa halip na ako ang mapahiya, hayaan mo na, siya ang mapahiya. Baka sakaling mapahiya siya, hindi na siya uulit," paliwanag ng alkalde.
Itinanggi naman ng lalaki ang paratang pero hindi na siya nagbigay ng pahayag dahil natatakot daw siya para sa kaniyang seguridad at ng kaniyang pamilya.
Noong nakaraang taon, isang lalaki na inakusahan na nagnakaw ng tuyo ang ipinahiya rin ni Halili at ipinarada sa palengke na may nakasabit na tuyo at karatula.
BASAHIN: Tama bang ipahiya ang mga mahuhuling kriminal gaya ng 'tirador' umano ng tuyo ng Tanauan?
Ayon sa Commission on Human Rights at Interior and Local Government, paiimbestigahan nila ang ipinagawa ng alkalde.
Hindi raw ito dapat ginagawa dahil mistulang nahuhusgahan na raw ang akusado, ayon kay Atty. Banuar Falcon, OIC-Media Officer ng CHR.
Paalala pa ng CHR, dapat pinapahalagahan ang karapatang pantao ng bawat mamamayan, ano man ang sitwasyon.
Hihingan daw ng DILG ng paliwanag si Halili sa ipinagawa nito sa lalaki.
Sa social media, kung may mga bumatikos sa ginawang pamamahiya sa suspek, mayroon ding sumuporta, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA News