ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng batang may autism na ginahasa, natagpuan sa Cavite


Natagpuang naaagnas na ang bangkay ng 11-anyos na batang babaeng may autism na pinaniniwalaang ginahasa sa Bacoor Cavite.

Dakong alas-4 ng hapon noong Martes natagpuan ang mga labi ng bata sa may madamong bahagi ng DOST Compound sa Brgy. Molino 3.

Kinilala ang biktima na si Remie Palmero na may autism at nasa Grade II na sana nitong pasukan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, kinakitaan ng marka sa leeg at ulo ang biktima na indikasyon umano na sinakal ito at hinampas ng matigas na bagay sa ulo.

Wala na ring saplot ang ibabang bahagi ng katawan ng biktima na indikasyon umano ng panghahalay sa kaniya.

Ayon sa ina ng bata na si Merlyn Palmero, Lunes, ika-14 ng Hunyo, nang huli nilang makita ang bata na nagpaalam lamang umano na maglalaro sa may basketball court malapit sa kanilang bahay sa Sampaguita St., Villa esperanza, Brgy. Molino 2.

Ngunit, alas-6 na raw ng gabi noong Linggo hindi pa raw ito umuuwi kaya't ipinagbigay-alam na nila ito sa barangay at mga pulis.

Nagpakalat din umano sila ng mga papel na may litrato ni Remie at contact number.

Ayon din kay Merlyn, may lumutang na testigo at nagsabing nakita raw na kasama ng 22-anyos na suspect na si Rene Alico alias "Buknoy" ang bata noong araw na siya ay nawala.

Kaibigan daw ng pamilya ang suspect at madalas pa nito ikalong ang batang si Remie kapag dumadalaw sa kanilang bahay.

Ayon kay Merlyn, nangutang daw ang suspect sa kanyang mister ng P500, pero hindi raw ito napautang.

Posible raw na ito ang dahilan kung bakit naisip ng suspek na gumanti sa kanila.

Hindi pinayagan ng Bacoor Police ang GMA News na makapanayam ang suspek at makuha ang panig nito.

Naaresto ang suspect Martes ng gabi matapos matagpuan ang bangkay ng bata.

Nakakulong na ang suspect sa Bacoor Police at nahaharap sa kasong rape with homicide. — LBG, GMA News

Tags: rape, cavite, rapeslay