ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Buhay ng mga ‘tatay-pulis’


Hindi maikakailang ang pagiging pulis ay may kaakibat na malaking responsibilidad sa lipunan bilang tagapangalaga ng kapayapaan. Pero marami sa kanila ay mga ama rin.

Bilang pagpugay sa kanila sa darating na Father's Day (Araw ng mga Ama), kinumusta namin ang ilan sa kanila bilang mga haligi ng tahanan.

Pumasok sa pagkapulis noong 1997 si SPO3 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police district Homicide division.


SPO3 Vallejo. - Vonne Aquino

Ama siya ng tatlong anak at bilang isang tatay, hindi naman daw siya gaanong mahigpit sa pagdidisiplina sa kanila.

Para sa kanya, mahirap ang trabaho ng pagiging ama at pulis dahil hindi lang aniya ang kanyang pamilya ang pinoprotektahan niya kundi pati ang bayan.

Ayon kay Vallejo, hindi raw maiiwasan talaga na nagsasabay ang problema sa tahanan at trabaho, pero tinitiyak umano niya lagi na bago sumuong sa anumang operasyon ay nagdarasal siya at tumututok muna siya sa trabaho.

Ang inspirasyon na ibinigay sa kanya ng kanyang pamilya ay siya ring dahilan ng pagiging tapat umano niya sa tungkulin.

Ang Pulis-Makati naman na si SPO1 Alvarez ay unang sumabak sa pagkapulis noong 2002.


SPO1 Alvarez and his son Nielle Ashlee. - Vonne Aquino

Kuwento niya, bagamat Computer Science daw ang unang kurso na kanyang napupusuan, ang kanyang ama raw ang nag-enroll sa kanya sa Criminology.

Kahanga-hanga rin ang kanyang yumaong ama na itinaguyod daw ang pag-aaral nilang tatlong magkakapatid sa pamamagitan ng pagtitinda ng Sampaguita.

Siya rin daw mismo, para matustusan ang pangangailangan sa eskwela, ay namasada ng tricycle at nagtinda rin ng Sampaguita.

Dahil sa sipag at pagpupursiging makatapos, minahal na rin daw niya at buong pusong niyakap ang pagpupulis.

Aminado sina SPO3 Vallejo at SPO1 Alvarez na may mga pagkakataong naibubuhos daw nila sa trabaho ang kanilang oras, pero tinitiyak din daw niya na nagkakaroon sila ng oras para makipag-bonding sa pamilya.

Batid daw ng kanilang asawa't mga anak ang peligro ng kanilang trabaho pero ipinapaunawa daw nila sa kanila ang kanilang tungkulin sa bayan.

Para sa kanila, hindi hadlang ang pagmamahal sa pamilya sa pagtupad sa tungkuling maging makabayan, buhay man ay laging nasa peligro.

Patuloy daw silang maglilingkod sa bayan at kasabay nito ay ang pagiging mabuting ama ng tahanan. — GMA News