Sino ang misteryosong tao sa likod ng gabi-gabing libreng pagkain sa Roxas Blvd?
Kahit mahirap ang buhay ngayon, may mga tao pa rin na handang tumulong sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit. Sa Roxas Boulevard sa Maynila, gabi-gabing inaabangan ng mga kapus-palad ang libreng pagkain na handog ng isang misteryosong mapagkawang-gawa.
Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News TV's Saksi nitong Huwebes, sinadya niya ang lugar sa Roxas Boulevard kung saan humihimpil gabi-gabi ang kariton na may dalang libreng pagkain na ang larawan ay unang kumalat sa social media.
Mistulang blockbuster na pelikulang kung pilahan ang kariton na may nakasulat na "libre." Dala nito ang mainit na pagkain na ipinamimigay sa mga kumakalaw ang sikmura.
Pero tanging ang mga tagaluto o tagabigay lamang ang nakikita ng mga tao. Pero ang katauhan ng sinumang nasa likod ng pagpapaluto nito upang ipamigay ng libre sa mga nagugutom, nananatiling misteryo.
Ayon kay Alyssa Ocampo, anak ng tagaluto ng pagkain, kahit sila ay hindi nila kilala ang nagpapaluto dahil tauhan lang daw nito ang lumalapit sa kanila.
At para hindi magkasawa ang mga nakikinabang sa mala-feeding program na gawain, iniiba-iba rin ang menu nito gaya ng lugaw, sopas, lomi, at pansit.
Kumakat at nakarating sa kaalaman ng netizens ang kabutihang-loob ng mytery person sa likod ng libreng pagkain nang i-post ito sa social media ng Manila tour guide na si Carlos Celdran.
"This is a good message for the election season na kailangang magbigay nang walang epal," aniya.
Nang gabing iyon, tinatayang nasa 300 ang pumili sa libreng pagkain.
Si Mang Arnel na kabilang sa mga nabibiyayaan ng libreng pagkain, hindi raw niya gugustuhing laging umasa sa handog ng misteryosong tao.
Hangad pa rin niya na magkaroon ng maayos na trabaho para masuportahan ang sarili.
Umaasa rin si Celdran na darating ang panahon na may magagawa ang gobyerno para mabigyan ng kakayahan ang bawat Pilipino na bumili ng kanilang pagkain at hindi na aasa pa sa kagandahang-loob ng iba. -- FRJ, GMA News