ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Editors pinagpapaliwanag tungkol sa 'Erap ad'


Nais ng kampo ni dating Pangulong Joseph Estrada na ipatawag ng Sandiganbayan ang mga editor ng pitong pahayagan na naglabas ng anunsyo tungkol sa magiging hatol ng korte sa kasong pandarambong na kanyang hinaharap. Sa pitong pahinang petisyon na inihain ng mga abogado ni Estrada, kabilang sa mga editor na nais nilang ipatawag ay mula sa Philippine Daily Inquirer, Philippine Star, Manila Standard Today, Malaya, Manila Times, Manila Bulletin at BusinessWorld. Sa panayam ng radio dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Atty. Rene Saguisag, abogado ni Estrada, na dapat tukuyin ng editors kung sino ang nagpalabas ng anunsiyo na nagsasaad na, "Erap: Guilty or Not Guilty. Kailangan Bang Magkagulo." Ang naturang anunsyo ay lumabas noong Hulyo 4. Una rito, tinataya ni Makati City Mayor Jojemar Binay, president eng United Opposition (UNO), na aabot sa P1 milyon ang halaga ng sinasabing anunsyo na ipinalagay ng grupong nagpakilala lamang bilang "Mahal Kita Pilipinas." Nakasaad sa anunsyo ang paghimok sa publiko na igalang ang anumang magiging hatol ng Sandiganbayan kay Estrada na inaasahang lalabas sa Agosto o Setyembre. Ngunit para kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, tagapagsalita ni Estrada, iba ang motibo ng anunsyo. Aniya, mistulang inaasahan na magiging guilty ang hatol sa dating lider. Sa pitong pahayagan, binigyang-pansin ni Rodriguez ang Philippine Daily Inquirer na higit umanong maingat sa paglathala ng nasabing anunsyo. "In the Inquirer, the message was clear that the court had not yet rendered a decision. Other papers went on as if the Sandiganbayan already made the decision," paliwanag niya. Kung tatanggi ang mga editor na tukuyin ang nagpalabas ng anunsyo, sinabi ni Saguisag na dapat magdeklara ng mistrial ang Sandiganbayan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV