Bagyong 'Bebeng' patuloy ang paglayo sa Pilipinas
Patuloy na lumalayo sa teritoryo ng Pilipinas ang bagyong âBebeng" kasabay naman ng paglakas nito. Sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pag-asa) nitong Huwebes ng umaga, si "Bebeng" (international name: Man-Yi) ay nasa 670 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na 160 kilometers per hour at gustiness na 195 kph habang tumutulak sa hilagang-kanluran sa bilis na 22 kph, patungo sa bahaging katimugan ng bansang Japan. Sa Biyernes ng umaga, inaasahan ng Pag-asa na si "Bebeng" ay nasa 700 km hilagang-silangan ng Basco, Batanes o sa bisinidad ng Okinawa, sa katimugan ng Japan. Sa kabila ng paglayo ni âBebeng," nagbabala ang Pag-asa na makakaranas pa rin ng pag-ulan sa bansa partikular sa kanlurang bahagi ng Katimugang Luzon at Visayas region bunga ng southwest monsoon. Muling pinaaalalahanan ng weather bureau ang mga residente na nakatira sa mababang lugar at paanan ng bundok na lumikas muna sa ligtas na lugar para makaiwas sa anumang flash floods at landslide na maaring maganap sanhi ng ulan na dulot ng kasungitan ng panahon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV