5 L300 FB vans, narekober ng mga pulis-QC sa Pampanga
Narekober ng mga operatiba ng Quezon City Police ang limang L300 FB vans sa isang compound sa isang barangay sa San Simon, Pampanga, Martes ng gabi.
Ayon sa mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti-Carnapping Section (QCPD ANCAR), limang L300 FB vans ang tumambad sa mga awtoridad sa barangay San Miguel, matapos mai-report sa kanila dakong alas-9 ng umaga noong Martes, na may nawawalang L300 FB van sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.
Matapos umano maipagbigay-alam sa mga awtoridad ang nangyari, namataan ng mga operatiba ng QCPD ANCAR sa Banlat Road ang nawawalang sasakyan at nakakabit pa ang plaka nito sa likod.
Sinundan umano ng mga pulis ang sasakyan hanggang sa makarating sa Pampanga.
Doon na sa isang liblib na compound naabutan at naaresto ang isang dating barangay chairman na si Andres Maglanque, kapatid na si Lindon Maglanque, anak na si Arvee at pintor na si Jamir Maglanque.
Narekober mula sa kanila ang limang L300 FB van, dalawang binaklas na ulo ng L300, assorted na mga bahagi ng L300, tatlong aluminum van, at isang SUV.
Tina-target umano ng mga suspek ang mga kawatan ang L300 FB van dahil madaling naibebenta ang mga piyesa nito at madaling nakawin kapag walang security devise.
Pinipili umano ang mga kawatan ng mga sasakyang nakaparada sa labas ng isang ligtas na parking lot, at modus ng carnap group na ito ang mag-ikot tuwing madaling-araw upang maghanap ng target na sasakyan.
Kapag alam nilang madali nila itong maitatakbo, tsaka nila ito nanakawin.
Mahaharap naman sa kasong carnapping at paglabag sa Anti-Fencing Law ang mga suspek na ngayon ay nakadetine sa tanggapan ng ANCAR sa Camp Karingal sa Quezon City.
Isasailalim sa macro-etching ang mga narekober na mga sasakyan upang malaman kung na-tamper ang mga makina at chasis ng mga ito. — LBG, GMA News