3 opisyal ng Customs sa Cebu pinatalsik
Matapos kasuhan ng graft, tatlong matataas na opisyal ng Cebu Customs na nadawit sa rice smuggling ang pinatalsik sa serbisyo. Sa 12-pahinang desisyon ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, tinanggal sa trabaho sina Angel Go, Acting Chief Wharfinger; Habib Diator, Acting Wharfinger; at Conrado Rivera, Customs Guard. Nag-ugat ang pagpapatalsik matapos ang isang anonymous complaint na inihain sa Ombudsman-Visayas para sa paglalabas ng 15 container vans ng hindi deklaradong bigas mula sa pantalan ng Cebu ng walang kaukulang binayarang taxes at duties. Batay sa mga tala, gumamit ang mga akusado ng limang palsipikadong import entry documents para ipakita na ang halagang P1,172,384 na customs duties ay nabayaran na. Sa desisyon ng Ombudsman base sa ebidensya, "it is therefore clearly established that respondents Go, Diator and Rivera had participation in the illegal release of the cargoes ...despite knowledge that the import entry documents were fake and that no amount of duties and taxes had been paid, still turned over the same to Opascor for the release of the corresponding cargoes." Sinabi ng Ombudsman na ang ginawa ng tatlong opisyal ay taliwas sa mga inaasahang gawain sa serbisyo publiko. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV