ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 anggulo, sinisilip ng pulisya na motibo sa pagpatay sa negosyante sa Laguna


Tatlong anggulo ang sinisilip na motibo ng pulisya sa pagpatay sa isang negosyante at kaniyang bodyguard sa Calamba, Laguna nitong Huwebes ng gabi.
 
Sa panayam ng GMA News TV's QRT nitong Huwebes, kinumpirma ni Sr. Supt. Florendo Saligao, Laguna Provincial Police Director, na may nakuha silang impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa umano'y kinasangkutan noon na kidnapping group ng biktimang negosyante na si Rolly Lumbres Fajardo.

Gayunman, sinabi ni Saligao na wala pa silang natanggap na impormasyon tungkol sa resulta ng mga sinasabing koneksiyon noon ni Fajardo sa iligal na grupo.

Kasama umano ito sa anggulo na pinag-aaralan ng pulisya sa nangyaring pagpatay sa biktima.

Sinisilip din umano ng mga imbestigador ang anggulong paghihiganti, at kompetisyon sa negosyo bilang motibo sa krimen.

Si Fajardo ay tinambangan at napatay ng mga nakatakas na suspek sa National Highway sa Calamba, Laguna nitong Miyerkules ng gabi habang sakay ng kotse.

Nasawi sa ambush ang bodyguard ni Fajardo na si Thomas Andaya. Habang nasugatan naman ang isa pa nitong bodyguard na si Marciliano Batan Jr., na nagawa umanong makaganti ng putok.

Tinatayang hindi umano bababa sa apat katao ang nanambang sa mga biktima.

Paniwala ni Saligao, bihasa ang mga suspek at planadong mabuti ang ginawang pananambang sa biktima. —Katrina Son/FRJ, GMA News