ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Buwelta ng PHL sa China: ‘Di namin kasalanan kung kinampihan kami ng ibang bansa


Binuweltahan ng Malacañang nitong Biyernes ang China sa akusasyon nitong pinilit ng Pilipinas na idamay ang ibang mga bansang walang kinalaman sa gusot sa South China Sea.
 
“We cannot be faulted if other countries have lauded the approach that we have decided to take in resolving this dispute that we have with our neighbor,” ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang briefing sa Palasyo nitong Biyernes.
 
Pinaalalahanan din ni Valte ang Beijing na ang gusot sa South China Sea ay may implikasyon sa pandaigdigang kalakalan.

“While they may say that this is a regional matter, it cannot be denied that a significant number of global trade passes through that region, and again, it cannot be denied that it has an impact on those outside the region,” sabi Valte.
 
Noong Huwebes, pinasaringan ni Chinese Defense Ministry spokesman Yang Yujun ang Pilipinas "[for] roping in countries from outside the region to get involved in the South China Sea issue.”
 
Matapos ang military exercises ng Japan at Pilipinas kamakailan, agad na binatikos ng Beijing ang  Manila "[for] putting on a big show of force, deliberately exaggerating the tense atmosphere in the region.”
 
Nitong linggong ito, nagpalipad ang Japan at Pilipinas ng military planes sa mga himpapawid malapit sa Recto (Reed) Bank, isa sa pinag-aagawang mga isla na malapit lamang sa Palawan.
 
Samantala, sinabi rin ni Valte nitong Biyernes na hindi ine-exaggerate ng Pilipinas ang gusot sa South China Sea, na ang ilang bahagi nito ay tinatawag ng Manila na West Philippine Sea.
 
“We do not subscribe, as a matter of policy, to exaggeration. We do not base our discussions on exaggerated facts because it is not in our nation’s interest to do so,” ayon kay Valte.
 
Sa totoo lang, anyon kay Valte, “we have advocated a rational discussion that is based on issues, as well as an objective view of facts as they happen.”
 
Sa isang hiwalay na text message, sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na dapat ihinto na ng China ang reclamation activities nito sa mga pinagtatalunang karagatan kung nais nitong humupa ang tensyon doon.
 
“The question is: Will China, as a responsible member of the family of nations, listen to the reasonable voice of the international community?” ayon kay Lacierda.
 
Gusot sa West Philippine Sea
 
Tumagal na rin ng mga ilang taon ang hidwaan ng Manila at Beijing hinggil sa pagmamay-ari ng ilang isla at bahura sa Spratlys na malapit lamang sa Palawan at pinaniniwalaang mayaman sa mineral at mga lamang-dagat.
 
Ginagamit ng China ang tinatawag nitong “nine-dash line” upang igiit na pagmamay-ari nito ang halos buong South China Sea, samantalang ang gamit na batayan ng Pilipinas ay ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
 
Nine-dash Line

Naidulog na ng Pilipinas ang reklamo nito laban sa China sa international arbitration court na nakabase sa The Netherlands, upang sagkaan ang tangkang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea.

Magsisimula sa Hulyo ang oral arguments sa reklamo ng Pilipinas.
 
Tumanggi ang Beijing na sumali sa arbitration proceedings at iginiit nito ang bilateral talks sa pag-aayos ng gusot.
 
Sa kabila ng pagsampa ng Pilipinas ng reklamo sa international arbitration court, walang habas naman sa pagpapatayo ng mga istruktura at artipisyal na mga isla ang China sa pinag-aagwang mga lugar, ito'y batay sa mga satellite image.
 
Ilang mga bansa rin, kabilang ang Japan at Estados Unidos, ang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ang nananawagan sa China na ihinto na ang ginagawang reclamations nito. — LBG, GMA News