'Puto-pako,' nabili raw ng babae sa naglalako sa Dagupan City
Masarap ang puto na may keso, may leche plan, at ang iba naman ay nilalagyan ng maalat na itlog. Pero paano kung ang mabili mong puto ay may pako at kinakalawang pa?
Ito ang inireklamo ng isang babae sa Dagupan city, Pangasinan, makaraang makagat daw niya sa puto ang pako na may dalawang pulgada ang haba, ayon sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes.
Ayon sa babae, nabili niya ang puto sa isang naglalako sa kanilang lugar.
Nagreklamo na raw siya sa mga opisyal ng barangay Malued kung saan niya nabili ang puto.
Hindi raw niya alam ang pangalan ng tindera pero makikilala niya ito kung nakita niyang muli.
Ayon sa City Health Office, malinaw na may nilabag sa sanitation ang gumawa ng naturang pagkain.
Maliban sa puwedeng makadisgrasya ang hindi maingat na paghahanda ng mga pagkain, posible rin itong maging dahilan ng pagkalason o magkasakit ang mga kumakain ng pagkaing marumi o hindi naihanda nang tama.
Paalala nila sa publiko, maging maingat sa binibiling pagkain lalo na sa kalsada.
Hinahanap na ang tindera ng puto. -- FRJ, GMA News