Dapat na rin bang payagan ang same-sex o gay marriage sa Pilipinas?
Nitong Biyernes, naglabas ng makasaysayang desisyon ang Korte Suprema sa Amerika na kumikilala sa legal na karapatan ng same-sex couples na magpakasal. Panahon na rin bang payagan ang gay marriage sa Pilipinas?
Sa botong 5-4, idineklara ng Korte Suprema ng Amerika na legal na ang same-sex marriage sa lahat ng 50 estado ng Amerika. (Basahin: US Supreme Court rules in favor of gay marriage nationwide)
Ang patas na karapatan at proteksiyon para sa lahat ang isa sa mga idinahilan ng mga mahistrado ng US Suprme Court para payagan ang same-sex marriage.
Sa kaniyang pahayag, sinuportahan ni US President Barack Obama, ang pasya ng kanilang Korte Suprema.
"When all Americans are treated as equal, we are all more free," ayon kay Obama.
Sa Pilipinas, mayroon ding petisyon na inihain sa Korte Suprema na humihiling sa mga mahistrado na payagan ang same-sex union. (Basahin: Supreme Court asked to allow same-sex marriage in PHL)
Sa petisyon na inihain sa SC nitong Mayo, hiniling ni Jesus Nicardo Falcis III na baguhin ang bahagi ng Article 1 at 2 ng Executive Order 209 o Family Code of the Philippines, na nagtatakda at naglilimita sa kasal na para lang sa babae at lalaki.
Nais din ni Falcis na alisin ang bahagi ng Article 46 (4) at 55 (6) ng Family Code na nagsasaad na maaaring maging basehan ng annulment at legal separation ang lesbianism o homosexuality.
Sabi pa niya, hindi mahalaga kung handa na o hindi pa ang mga Pinoy para tanggapin ang same-sex union.
"The enjoyment of fundamental rights and liberties do not depend on the acceptance or approval of the majority," giit niya.
Isang nakaraang panayam noon kay Pangulong Benigno Aquino III, sinabi nito na iginagalang niya ang karapatan ng gay couple na nagpakasal. Pero may alinlangan daw siya sa usapin ng pag-ampon ng mga ito ng anak.
"I don’t think I’m ready to tackle that fight right now. But the perspective… it is their choice," pahayag ni Aquino isang forum sa Amerika noong 2011."Normally I would say, you’re adults, you should be able to do whatever you want so long as it doesn’t hurt anybody else. But if the next step is we want the right to adopt, then, I would be in a dilemma."
Saad ni Aquino, ang mahalaga sa kaniya ay ang kapakanan ng bata.
"My priority would be looking after the child who has a very tender and impressionable mind," dagdag ng pangulo.
Nagbigay din ng pahayag noon si House Majority Leader Neptali Gonzales II, na hindi pa panahon para payagan ang gay marriage sa Pilipinas, na inilarawan niya na “generally conservative.”
“I am of the opinion that at the moment, or even in the near future, it’s a no-no situation for same-sex marriage in the Philippines,” anang lider.
Maging si House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ay naniniwala na hindi pa handa ang mga Pilipino para sa isang batas na pinapayagan ang same-sex marriage. -- FRJimenez, GMA News