Filipino seaman pinangangambahang nalunod sa India
Isang 49-na taong gulang na Filipino seaman ang iniulat na nawawala sa isang barkong may dala-dalang iron ore mula sa Paradeep port sa Orissa malapit sa east coast ng India. Iniulat ng Indian news site na New Kerala nitong Linggo na ang mga pulis at opisyal sa pantalan ay tinitingnan na ngayon ang nawawalang crew member na kinilala bilang si Leonardo Mangosing. Ayon sa ulat, napag-alaman ng mga opisyal ang insidente mula kay Laranjo Jeremish L., kapitan ng barkong Luminovs Halo. Ayon sa pahayag ni RK Paikray, isang opisyal ng Paradeep police station, sinabi sa kanya ng kapitan na nahulog si Mangosing mula sa barko habang sinusubukan ang isang pilot ladder. Pinangangambahang nalunod si Mangosing sa karagatan. Ayon sa inisyal na ulat ng mga pulis, nakadaong ang barko mga 20 km mula sa pantalan, at 130 km mula sa bayan ng Bhubaneswar, nang maganap ang insidente. Sumakay si Mangosing sa barko dalawang buwan na ang nakalilipas mula sa Australia kasama ang 20 pang iba. Ayon kay Paikray negatibo ang resulta ng ginawang paghahanap kay Mangosing. Ayon sa kanya, ipinaalam na nila sa ministry of external affairs, home departments ng estado at central governments, maging sa mga opisyal ng Philippine embassy sa New Delhi ang tungkol sa nawawalang Filipino. Batay sa mga paunang ulat, naglalayag papuntang China nitong Linggo ng umaga ang barko, dala ang 26,000 tons ng iron ore mula sa pantalan. Apat na buwan ang nakalilipas, isang crew member mula sa Ukraine ang nawala rin sa Paradeep. Noong nakaraang taon, nakakita ang mga awtoridad doon ng isang Pakistani sa isang dayuhang barko. - GMANews.TV