ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kanlungan ng Pinoy sa Daly City pinalilipat


Mula nang itatag 17 taon na ang nakararaan, anim na beses nang nagpalipat-lipat ng pugad ang Pilipino Bayanihan Resource Center(PBRC) na nagsisilbing kanlungan ng mga Pinoy sa Daly City sa Amerika na nangangailangan ng pagkalinga at suporta— at sa taong ito, kailangan nilang muling maghanap ng malilipatan. Ipinagbili na kasi ng lokal na pamahalaan ng Daly City ang lote na tinitirikan ng walong palapag na gusali kung saan naroroon ang PBRC na itinuturing na “sentro ng kanlungan" ng mga Filipino sa lugar. SA kinatatayuan ng gusaling kinaroroonan ng PBRC, balak ng nakabili nito na magtayo ng walong palapag na commercial office building na may mga tindahan at parking. Ang center na puntahan ng mga Pinoy na nangangailangan ng kalinga ay matatagpuan sa 2121 Junipero Serra Blvd. Isang pedestrian bridge sa Westlake Avenue rin ang itatayo sa lugar, ayon sa ulat ni Christine Morente na nalatha sa www.insidebayarea.com/sanmateocountytimes. At sa Agosto 24, kailangang lisanin ng PBRC ang gusali na kumakalinga sa maraming Filipino. Kabilang sa maapektuhan ng paglisan ng PBRC sa Junipero Serra Blvd ay si Gng. Remedios Matthews, 69 anyos na Pinay na nanirahan na sa US mula 1993. Isa si Remedios sa humuhugot ng lakas mula sa suporta ng PBRC upang makasama ang anak na si Alexis sa US. Labing-isang taon na niyang nilalakad ang petisyon ng anak para makapunta sa Amerika at kanya na itong makapiling. "Hindi ko alam kung kailan siya makapupunta rito (I don't know when he'll be able to come here)," ani Remedios sa ulat ni Morente. "Ang aplikasyon n'ya ay hindi gumagalaw. Hindi mo talaga masabi kasi masyadong mahigpit ang immigration mula noong Sept. 11 (terror attack).( His application has been frozen. You cannot really tell because immigration is very hard. Since Sept. 11, they've become so strict)." Tatlong taon na nagpapabalik-balik si Remedios sa PBRC para magpatulong sa pag-asikaso ng mga papeles ng kanyang anak na si Alexis. Aminado si Remedios na hindi niya kayang lakarin na mag-isa ang petisyon ng anak. "Malilito ako (I'd be confused )," ani Remedios. “Komplikado ang kaso (It's a complicated case)," dagdag pa ng ginang na umuwi ng Pilipinas noong 2006 para muling makita ang anak. Napa-alaman na $1 a year lamang ang renta ng PBRC sapul nang lumipat sila sa gusali dalawang taon na ang nakararaan. Sa ngayon, inihayag ni Perla Ibarrientos, board president ng resource center, nakikipagnegosasyon ang mga pinuno ng PBRC sa pamunuan ng Jefferson Elementary School District upang rentahan ang bahagi ng Christopher Columbus School sa 60 Christopher Court sa Serramonte Boulevard. Ang naturang gusali ay hindi na ginagamit sa nakalipas na limang taon at ilang bahagi na nito ang pinauupahan. Sa kabila ng nalalapit na pag-alis sa lugar, umaasa pa rin sila na magpapatuloy ang PBRC sa pagtulong sa mga Pinoy. "Umaasa ako at nagdarasal na magpatuloy pa sana ang center (I hope and pray the center is going to continue)," ani Dorcas Soriano, koordinator ng center. "Hindi madali sa mga nakatatanda ang pagbabago. Ngunit sa motibasyon at enthusiasm na mayroon tayo, ang paglipat ay hindi magiging balakid sa mga taong gusto tayong puntahan. Diyos lang ang nakakaalam kung gaano kalaki o kaliit ang magiging bagong gusali. (Change is not an easy thing for older people. But with the motivation and enthusiasm we have here, moving is not going to be a hurdle for them to visit us. God only knows how small or how big the new building will be)," dagdag ni Soriano. Tila totoo naman ang sinabi ni Soriano kung pagbabatayan ang pahayag ni Remedios na pupuntahan niya ang PBRC saan man ito mapunta. "Susundan ko sila saan man sila mapunta (I will follow them wherever they go)," ani Remedios. Sa nakalipas na dalawang taon, nakakuha ang PBRC ng suporta sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng grant upang suportahan ang kanilang programa. Sa pamamagitan ng $70,000 grant mula sa San Mateo County Health Department, nagawa ng center na makapagturo sa caregivers, doctors at nurses tungkol sa kultura ng Filipino. "Ang mga Filipino mahiyain kung problema ang pag-uusapan at kapag humihingi ng payo (Filipinos are very shy when it comes to talking about problems and asking for counseling)," ani Ibarrientos. "Sa ganitong paraan, kapag nagpunta sila sa foreiener caregiver, magkakaroon siya ng kaalaman sa kultura nito (This way, when they go to a foreigner caregiver, he or she will know more about the culture)." Patunay naman na hindi kasamang mawawala ng gusali ang PBRC sa mga programang nakalatag sa hinaharap—at ito ay ang pagtuturo ng Tagalog sa mga dayuhan, ayon pa kay Ibarrientos. - Fidel Jimenez, GMANews.TV