Comelec: Bidding para isaayos ang mga PCOS machine, bigo
Nagdeklara ng failure of bidding ang Commission on Elections (Comelec) nitong Martes para sa pagsasaayos ng 81,000 vote-counting machines na gagamitin sa pambansang halalan sa 2016.
Ayon kay Comelec Commissioner Christian Lim, nabigo ang subasta matapos umatras ang mga kumpanyang sasali sa bidding dahil nabawasan ang pondong inilaan para sa proyekto.
Kasama umano sa mga umatras sa bidding ang Smartmatic-Total Information Management, na dating katuwang ng Comelec sa paggamit ng PCOS sa nagdaang mga halalan.
Mula sa dating P2.5 bilyon na "approved budget for the contract" (ABC) para sa proyekto, lumiit ito sa P800 million, na lubhang mababa raw kaysa inaasahan ng Smartmatic.
“Two companies showed up and one of them is Smartmatic and they said that the ABC is not realistic,” ayon kay Comelec chairman Andres Bautista.
Noong nakaraang Abril, ibinasura ng Korte Suprema ang isinarang kasunduan ng Comelec at Smartmatic-Total Information Management para sa P300-million diagnostics and repair sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na gagamitin sa 2016 elections.
Ibinasura ng SC ang kontrata dahil bigo umano ang Comelec na, “to justify its resort to direct contracting.”
Ang Smartmatic ang nagsuplay sa Comelec ng PCOS machines na ginamit sa 2010 at 2013 elections.
Dahil sa May 2016 na ang halalan, pinag-aaralan ng Comelec ang posibilidad na i-adjust ang halaga ng ABC para sa proyekto o magdaos ng “hybrid” elections - na kombinasyon ng manual at automated elections.
“Bidding is a very long process. Sa amin we don't want to waste time while we're evaluating the hybrid election system, we are proceeding with decision on protest,” ani Lim.
Malalaman umano ang pasya ng Comelec sa susunod na linggo.
“The question is how long does it take to have another public bidding? Those are the issues we are studying,” anang opisyal. — FRJ, GMA News