Pabor ka bang mag-'about face' ang monumento ni Rizal sa Luneta?
Matapos manindigan ang kompanyang DMCI na hindi nila ipagigiba ang ginagawang condominium building na Torre de Manila na tinatawag na "photobomb" sa monumento ng pambansang bayani na si Jose Rizal, nagbigay ng mungkahi ang isang mambabatas kung paano mareresolba ang problema -- italikod si Rizal.
Sa isang ulat ng GMA News 24 Oras, sinabi ni Manila Rep. Amado Bagatsing na mas maganda na ipihit ang monumento ni Rizal para paharapin sa Maynila at sa dagat naman nakatalikod.
"National hero natin siya, dapat nakaharap (si Rizal) sa sambayanan," anang kongresista.
Kakausapin daw niya ang National Historical Commission of the Philippines o NHCP kaugnay ng kaniyang mungkahi.
Pero ang National Commission for Culture and the Arts o NCCA, tutol sa mungkahi ni Bagatsing.
Hindi rin daw kaaya-aya na iharap si Rizal sa kaniyang "photobomber" na condominuim.
Ayon pa kay Atty. Trixie Angeles ng NCCA, mas binibigyan ng pahaga si Rizal kung nakaharap sa dagat.
"Ibinibigay natin kay Rizal ang pinakamahalagang real estate dito sa buong bansa na nakaharap siya duon sa dagat," pahayag nito. -- FRJ, GMA News