ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapatid ng spokesman ni PNoy na si Lacierda, suportado si VP Binay


Habang ipinagtatanggol ni presidential spokesperson Edwin Lacierda ang administrasyong Aquino mula sa mga banat ng oposisyon, ang kapatid niyang babae na si Rose Lacierda Uy, nagpakita naman ng suporta kay Vice President Jejomar Binay.

Nitong Miyerkules, kabilang si Rose Lacierda Uy, sa mga dumalo sa Makati Coliseum sa ginawang paglulunsad ni Binay sa United Nationalist Alliance (UNA) bilang partido pulitikal.

Sa naturang pagtitipon, muling binanatan ni Binay ang administrasyong Aquino na pinasaringan niyang bagito, usad-pagong, at teka-teka.

Nang tanungin si Uy kung bakit niya sinusuportahan si Binay, tugon niya, "I believe in his (Binay’s) political agenda.”

Bukod kay Uy, ilan pa sa mga kilalang personalidad na nagpakita ng sumuporta kay Binay ay sina Sarangani Rep. Manny Pacquiao, Senador Gringo Honasan at Joseph Victor Ejercito, dating Senate President Ernesto Maceda, at Reps. Toby Tiangco at Gwendolyn Garcia.

Tungkol sa dahilan na nasa magkaibang panig sila ng kapatid na si Lacierda, sabi ni Uy, "To each his own kami. Doon siya [sa administration], dito ako.”

Pero kahit magkaiba sila ng sinusuportahan, sinabi ni Uy na wala silang hidwaan na magkapatid.

Inaasahan na hindi si Binay ang iindorso ni Pangulong Benigno Aquino III sa pampangaluhang halalan sa 2016.

Sa ngayon, matunog ang pangalan nina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at Sen. Grace Poe, sa posibleng maging pambato ng administrasyon.
 
Kabilang si Lacierda sa mga "identified" sa tinatawag na "Balay group" na sumuporta sa tambalan nina Aquino at Roxas noong 2010 presidential elections. — FRJ, GMA News