Bakit hindi dapat balewalain ang sugat na likha kahit ng pagkakadapa lang sa bahay?
Mapait na leksiyon ang natutunan ng isang pamilya sa Pangasinan nang pumanaw ang isang batang babae dahil sa tetanus mula sa sugat na nakuha nito nang madapa sa kanilang bahay.
Iniulat ni CJ Torida ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, ang pagpanaw sa ospital nitong Miyerkules ng apat na taong gulang na si Angelica Soriano dahil sa tetanus infection.
Ayon kay Mang Crisante Soriano, ama ni Angelica, nagtamo ng sugat sa braso at tuhod ang kaniyang anak nang madapa sa kanilang bahay sa San Carlos City, Pangasinan noong nakaraang Huwebes.
Hindi raw nila dinala sa pagamutan ang bata at nilapatan lang ng gamot sa bahay ang sugat nito.
Pero pagkaraan ng apat na araw, lumalala ang kondisyon ng biktima kaya isinugod na nila sa Pangasinan Provincial Hospital...pero huli na.
"Yung gilagid niya, hindi nagbubukas, tapos 'yon na daw, na-tetanu na siya," malungkot na kuwento ng ama.
Hindi na napigilan ng mga duktor sa ospital ang pagkalat ng tetanus infection sa katawan ni Angela na naging dahilan pagpanaw nito.
"Nagkaroon ng sugat tapos siyempre alam mo naman sa bahay, binigyan pa ng tinatawag natin na home medications. Actually dapat kung mga ganun, kung nakikitang may open wound, kailangang ospital na," ayon kay Dr. Policarpio Manuel, OIC-PPH.
Dahil sa pangyayari, nagpaalala ng mga duktor na hindi dapat balewalain ang mga sugat lalo na kung matatamo ito sa maruming paligid dahil may posibilidad na pasukan ng bacteria.
Kadalasan daw na nagsisimula ang epekto ng tetanus infection sa panga hanggang sa kumalat na sa iba pang bahagi ng katawan. -- FRJ, GMA News