ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hustisya kay Nida Blanca mas mailap na - Kaye


Nangangamba si Kaye Torres na lalong mahihirapang lutasin ang brutal na pagkamatay ng kanyang ina na si Nida Blanca matapos magpakamatay ang pangunahing suspek sa krimen na si Rod Strunk. Sa ulat ng QTV nitong Miyerkules, binasag ni Torres ang pananahimik sa “pagpapakamatay" ni Strunk, dating asawa ni Blanca, sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikalawang palabag ng tinutuluyan nitong hotel sa Tracy, California nitong Hulyo 10. “As my mother’s murder case continues to remain unsolved, one vital case to the solution of the case is gone…Rod’s death only makes it more impossible for those answers to be obtained," ani Torres. Sa imbestigasyon ng pulisya sa Tracy, pinaniniwalaan na tumalon mula sa balkonahe ng tinutuluyang Tracy hotel si Strunk. Ngunit naniniwala naman ang kanyang kamag-anak na aksidente ang pagkamatay nito. Sa kabila nito, sinabi ni Torres na ipagpapatuloy ng kanyang pamilya ang paghahanap sa hustisya para kay Blanca na nakitang duguan at patay sa loob ng isang kotse noong Nobyembre 7, 2001 sa Atlanta Center condominium building sa Annapolis St., San Juan. Bukod kay Strunk na itinuring na mastermind sa pagpatay sa kanyang asawa, kinasuhan ang self-confessed killer na si Philip Medel. Itinuro ni Medel si Strunk na mastermind sa krimen ngunit binawi rin n'ya kaagad ang testimonya. Sinabi ni Torres na sa kabila ng paghahanap niya ng katarungan para sa ina, hindi naman niya hinangad na may mangyaring masama kay Strunk. “The reported death of Rod Strunk has taken me by surprise. It’s very tragic that Rod’s life had to end this way. Whatever his faults and shortcomings may have been, I have never wished this kind of misfortune or tragedy on him," pahayag ni Torres. Dagdag pa ng anak ni Blanca: “Rod may have avoided extradition but now he will have to face a much higher court." Ipinaabot din ni Torres ang pakikiramay sa pamilya ni Strunk, partikular sa kapatid nitong si Sharry at sa mga anak na sina Christine at Derke. Hiniling ni Torres sa awtoridad na ituloy ang imbestigasyon sa kaso ng ina at dakpin ang mga sangkot sa pagpatay kay Blanca, pati na ang mga suspek na patuloy pang nakalalaya. Sa ulat ng radio dzBB nitong Sabato, sinabi Justice Secretary Raul Gonzalez na hindi matatapos sa pagkamatay ni Strunk ang paghahanap ng hustisya sa kaso ni Blanca. - Fidel Jimenez, GMANews.TV