Pinoy math wizards naghakot ng awards sa HK
Nakabalik na sa Pilipinas ang mga estudyanteng Pinoy na humakot ng parangal sa Mathematics World Contest na ginanap sa Hong Kongâ ang isa sa kanila ay nakakuha ng perpektong iskor sa kompetisyon. Miyerkules ng gabi nang dumating sa bansa ang 16 na batang estudyante na lumahok sa Leung Kuk 11th Primary Mathematics test na ginanap sa Hong Kong noong Lunes, ayon sa ulat ng QTV nitong Huwebes. Bitbit ng Philippine team ang tropeo at certificate na kanilang napanalunan kabilang ang tatlong team award, at siyam na individual awards. Nakaharap ng Philippine team sa nasabing kompetisyon ang 44 na team mula sa 12 bansa at teritoryo na kinabibilangan ng United States, Mexico, India, Macau, China, Hong Kong, Bulgaria, Malaysia, Thailand, South Africa, Singapore, Taiwan at Australia. Si Amiel Sy na estudyante sa Philippine Science High School ang nakakuha ng perfect score ang siyang nag-uwi ng First honor award. âI feel good. Hindi ko ito inaasahan," aniya. Isa rin sa mga nanalo na nakuha ng individual award ang 13-anyos na si Miguel Santos mula sa Paref Southridge school. Kwento ni Santos, matagal siyang nag-ensayo para sa math quiz na ito at kung minsan ay sila mismong magkakasama ang nagpapaligsahan. âOne year training sa MTG (Mathematics Trainers Guild) with the officers tapos sa summer five weeks straight na practice," ani Santos. Mahigit 20,000 bata ang pinagpilian ng MTG mula sa iba't-ibang eskwelahan sa Pilipinas para maging miyembro ng Philippine team . âAng ating perfect score was eight years ago pa nangyari kaya maganda âto, may perfect score na (tapos) 9 out of 16 (sa mga bata) may award," pahayag ni Rechilda Villame, vice president ng MTG. Hiniling ng MTG sa Department of Education (DepEd) na lalo pang bigyan ng importansya ang math subject dahil malaki ang maitutulong nito sa paghubog sa mga bata. âIn mathematics you must be analytic and logical. If you know how to analyst a problem and situation it will be too easy for you to understand different situation whatever subject matter," ayon kay Eugenia Guerra, Secretary ng MTG. Pinayuhan naman ng Philippine team ang ibang estudyante na sipag at tiyaga ang susi sa paglutas sa math problem. - Fidel Jimenez, GMANews.TV