Sino-sino ang 15 bayaning martir ng Bicol?
Kilala ba ninyo kung sino-sino ang 15 bayaning martir ng Bicol region na nakipaglaban sa mga Kastila para sa kalayaan ng Pilipinas? Tatlo sa kanila ay mag-aama at tatlo ang pari.
Isang bantayog ang itinayo sa Plaza Quince Martires sa Naga City (dating Nueva Caceres) upang kilalanin ang pag-aalay ng buhay ng 15 nilang kababayan na nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa mananakop na mga Kastila.
Ang 15 ay binubuo ng mag-aamang Manuel, Domingo, at Ramon Abella; mga pari na sina Severino Diaz , Inocencio Herrera at Gabriel Prieto; ang alkalde noon ng lungsod na si Tomas Prieto, pati na sina Mariano Arana, Leon Hernandez, Camilo Jacob, Florencio Lerma, Mariano Melgarejo, Cornelio Mercado, Mariano Ordenanza, at Macario Valentin.
Setyembre 1896 nang simulan ng mga Kastila ang paghanap at pag-aresto sa mga Bicolano na nakikiisa sa hangarin ng katipunan para sa kalayaan ng Pilipinas.
Enero 1897 nang barilin sa Bagumbayan, mas kilala na ngayon bilang Luneta, ang 11 martir na Bicolano. Ang apat na iba pa ay namatay sa iba't ibang dahilan tulad ng matinding pahirap, sakit mula sa matagal na pagkakakulong at ipinatapon sa ibang lugar. -- FRJ, GMA News