ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Historic rights na iginigiit ng China, kinondena ng PHL sa pagdinig ng UN arbitration panel


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa pagsisimula ng pagdinig ng Permanent Court of Arbitration ng United Nation sa The Netherlands, binatikos ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang iginigiit na “historic rights” ng China para angkinin ang halos buong West Philippine o South China Sea.
 
Sa kaniyang pahayag sa lupon ng UN na binubuo ng limang miyembro, sinabi ni Del Rosario na hindi maaaring abusuhin ng China ang anumang yaman na nasa pinagtatalunang teritoryo nang dahil lamang sa pinaniniwalaan nilang “historic rights.”
 
Paliwanag pa ng kalihim, hindi kinikilala sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang sinasabing historic rights ng China. Ang naturang tratado ay nilagdaan ng mahigit 160 bansa, kabilang na ang China at Pilipinas.

Nakapaloob sa naturang tratado ang karapatan ng bawat bansa sa paggamit ng karagatan sa buong mundo.
 
“The Convention does not recognize, or permit the exercise of, so called historic rights in areas beyond the limits of the maritime zones that are recognized or established by UNCLOS,” pahayag ni del Rosario sa lupon, na kopya ay ipinamahagi sa mga mamamahayag nitong Miyerkules.

Ang panimulang pagdinig ay isinagawa upang pag-aaralan ng arbitration panel kung may hurisdiksiyon sila sa reklamo ng Pilipinas laban sa ginagawang pag-angkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

Dagdag pa ni del Rosario sa kaniyang talumpati sa lupon, “Any recognition of such historic rights conflicts with the very character of UNCLOS and its express provisions concerning the maritime entitlements of coastal States.”
 
Sinabi pa ng kalihim na naapektuhan ang katahimikan sa rehiyon dahil sa "puwersahang pagkilos" na ginagawa ng China nang dahil sa iginigiit nilang historic rights.
 
“China’s assertion and exercise of its alleged rights in areas beyond its entitlements under UNCLOS have created significant uncertainty and instability in our relations with China and in the broader region,” anang opisyal.
 
Hindi pa rin nagpapadala ng kinatawan ang China sa naturang pagdinig.

Kamakailan lang, muling iginiit ng embahador ng China sa Pilipinas na mas makabubuting resolbahan ang usapin ng WPS sa pamamagitan ng pag-uusap ng dalawang bansa o bilateral talks, bagay na tinanggihan muli ng Palasyo.— FRJ, GMA News