ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang bahay sa Narvacan, Ilocos Sur, nasira ng daluyong o storm surge


Sampu katao ang nasaktan nang hampasin ng malakas na alon ang kanilang mga bahay sa tabing-dagat sa bayan ng Narvacan, Ilocos Sur nitong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ni Dante Perello sa GMA News TV's QRT nitong Miyerkules, sinabing maliban sa nasirang limang bahay sa barangay San Pedro, winasak din ng alon ang seawall at bahagi ng kalsada sa lugar.

Nagtamo ng mga galos at sugat sa katawan ang mga biktima.



Naghahanda raw ang mga residente para lumikas nang mangyari ang daluyong.

Ayon sa mga residente, ngayon lang nangyari sa kanilang lugar na tumaas ng halos sampung talampakan at lumapit ng may tatlumpung metro ang alon sa kanilang mga bahay.

Samantala, nanganganib namang gumuho ang may tatlong bahay sa Batac, Ilocos Norte dahil sa pagbuka ng lupa sa kanilang lugar.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabi ng mga residente na palaki nang palaki ang bitak ng lupa sa barangay Palong-palong na nakaapekto na sa ilang bahay na nabitak na ang mga dingding at sahig.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), mahigit 50 metro na ang haba ang bitak sa lupa at may lalim na itong limang talampakan.

Base sa inisyal na pag-aaral, ang pagbitak ng lupa ay epekto naranasang tagtuyot sa lugar.

Naghahanda na ang mga residente sakaling kailanganin nilang lumikas. -- FRJ, GMA News