Kung bakit mas madaling magka-soulmate kaysa masali sa isang survey
Ito ang mga katanungang susubukan nating tugunan sa artikulong ito.
Ang mga katanungang nakapaloob sa isang questionnaire ay depende sa layunin ng isang survey. Kung, halimbawa, layunin ng survey na malaman kung sinu-sino ang mga pinapaborang kandidato ng mga botante para sa eleksyon ng Mayo 2016, ang mga katanungang kasama sa questionnaire ay patungkol sa kung sino ang napupusuan nilang iboto, anong mga dahilan at iboboto nila ang isang kandidato, ano namang mga dahilan at hindi nila iboboto ang ibang kandidato, anong mga programa ang dapat itaguyod ng mga kakandidato sa pagka-presidente, at iba pang mga kahalintulad na katanungan.
Dapat ang bawat tanong ay malinaw, tumutukoy lamang sa iisang isyu, at simple para maiwasang malito ang mga respondent. Lalong importante na ang mga tanong ay hindi “biased” o hindi kumikiling sa kahit anong panig.
Halimbawa, nais nating malaman kung aling pamamaraan sa pagboto ang mas gusto ng mga tao – ang manual voting o computerized voting. Hindi maaaring ang tanong natin sa kanila ay ganito: “Sa computerized voting ay mas mabilis ang proseso ng pagboto pati na ang pagbilang ng tao samantalang ang manual voting ay may kabagalan dahil isusulat pa ng botante ang pangalan ng bawat kandidatong kanyang iboboto. Alin sa dalawang pamamaraan ng pagboto ang mas pinapaboran ninyo?” Para hindi maging biased ang ating tanong sa kasong ito, dapat na ibigay natin ang mga positibo at negatibong katangian ng bawat pamamaraan ng pagboto at bayaan ang mga respondent na pumili base sa inilahad sa kanilang mga pagpapaliwanag.
Sa wakas, handa na tayong itakbo ang survey! Sa puntong ito ang kadalasang katanungan ng publiko ay: Paano pinipili ang mga respondents? Bakit hindi pa ako napipili para sumagot ng survey? May mga nag-iisip din na baka iniimbento lang ang resulta ng mga survey dahil sa sila o kahit sinong kakilala nila ay hindi pa ni minsan nakakapanayam para sa kahit anong survey.
Kadalasan din ang mga pinipiling respondents ay iyung may edad 18 taong gulang pataas (i.e., ang edad kung kailan maaari ng bumoto ang isang mamamayan). Ngayon, kung ilalagay natin ang populasyon ng ating bansa sa 100,000,000 katao at sa bilang na ito ay 60% ang nasa edad 18 taong gulang pataas, ibig sabihin nasa 60,000,000 katao ang maaaring mapiling respondents.
Ngunit 1,200 lamang ang kukunin natin para sa ating survey. Ibig sabihin nito, sa isang survey na gumagamit ng simple random sampling, ang bawat isang Pilipino na edad 18 taong gulang paatas ay mayroong mas maliit pa sa 1% tsansa na makuhang respondent sa isang survey na may 1,200 na sample size!
Ngunit dahil sa ang proseso ng pagpili ng mga respondents sa isang survey ay kadalasang mas mabusisi kaysa sa simple random sampling (i.e., may karagdagang prosesong pinagpadaraanan pa), lumiliit pa lalo ang tsansang ito. (Sabi nga, mas malaki pa ang tsansang matagpuan mo ang iyong “soulmate” kaysa mapili kang respondent sa isang survey.)
Isang pamamaraan na ginagamit sa mga survey ay ang probability sampling kung saan ang bawat isang Filipino na may edad 18 taong gulang pataas ay may pagkakataong mapiling respondent. Ngunit ang pagpili ng respondent ay ginagawa sa iba’t ibang antas – mula sa rehiyon o siyudad/munisipalidad, patungo sa barangay, patungo sa sambahayan.
Halimbawa, sa isang survey na may 1,200 respondents, ang buong bansa ay kadalasang hinahati sa apat na bahagi – Metro Manila, ang ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao – at pinaglalaanan ang bawat bahaging ito ng tig-300 respondents. Sa bawat bahaging ito ay pipili ng 60 barangays kung saan hahati-hatiin ang 300 respondents para sa bahaging iyon.
Sa kaso ng Metro Manila, ang 60 barangays ay hahatiin sa 17 siyudad at munisipalidad base sa kanilang populasyon ngunit kinakailangan na bawat siyudad at munisipalidad ay mayroong isa man lang na barangay na kasali sa survey.
Sa ibang bahagi ng Luzon (i.e., labas ng Metro Manila), Visayas, at Mindanao ay pipili ng 15 na siyudad at munisipalidad base sa populasyon ng mga sambahayan dito. Pagkatapos nito ay hahatiin ang 60 barangay sa mga siyudad at munisipalidad na napili base sa populasyon ng sambahayan dito. Kinakailangan din na bawat siyudad at munisipalidad na mapipili sa labas ng Metro Manila ay mayroon ding isa man lang na barangay na kasali sa survey.
Sa Metro Manila, halimbawa, gamit ang mapa ng mga barangay, pipili ng isang lugar kung saan magsisimulang magbilang para malaman kung aling sambahayan ang kakatukin. Kung sa lugar na urban isasagawa ang survey, ang pagbilang ay kada ika-6 na sambahayan. Kung sa lugar na rural naman, ang kinukuha ay ang kada ika-dalawang sambahayan.
Paglilinaw lang po: ang ating binibilang ay sambahayan o household at hindi bahay/building o kung anupamang istraktura. Ibig sabihin, kung sa isang bahay ay may nakatirang limang sambahayan, ang bawat isa sa kanila ay kasali sa pagbilang kahit na sila ay magkakasama sa iisang bubong.
Hindi po. Ang bawat questionnaire ay may kaakibat na numero. Ang mga odd-numbered questionnaires ay para lamang sa mga lalaking respondents at ang mga even-numbered questionnaires ay para naman sa mga babaeng respondents.
Kahit sino bang babae o lalaki sa sambahayang napili ay maaaring kapanayamin? Ang sagot po muli ay “hindi”. Halimbawa, kung ang ating questionnaire ay may numerong “101”, ang ating respondent ay dapat na lalaki na may edad 18 taong gulang pataas. Kung sa sambahayan ay may 4 na miyembro na ganito ang kasarian at edad, isusulat natin ang kanilang mga pangalan sa tinatawag na probability selection table batay sa kanilang edad – mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata.
Ang bawat questionnaire ay may nakatakdang numero. Ito ay tinatawag na “household number.” Sa ating halimbawa, ang numerong ito ay “6.” Kapag nailista na ang lahat ng mga miyembro ng pamilya na pasok sa ating kinakailangang edad at kasarian, tayo ay susulat ng linya mula sa nakatakdang “household number” hanggang sa hilera kung saan nakasulat ang pangalan ng pinakahuling miyembro ng sambahayan na maaari nating kapanayamin.
Muli, sa ating halimbawa, itong hilerang ito ay iyong katapat ng pangalan ni Dennis. Ibig sabihin ba nito ay si Dennis ang ating respondent? Ang sagot ay isa na namang “hindi po”. Hahanapin natin kung saan nagtatagpo ang kahuli-huling hilera ng mga pangalan ng mga miyembro ng sambayan na maaaring kapanayamin (i.e., si Dennis) at iyong hanay ng “household number” (i.e., numero “6”). At kung saan sila nagtatagpo (e.g., sa numero “1”), ito ang magsasabi sa atin kung sino ang ating respondent.
Balikan natin ang ating halimbawa. Makikita natin ang ang unang nasa listahan ay si Ronald. Siya ang numero 1 sa listahan ng mga miyembro ng sambahayan na lalaki at may edad 18 taong gulang pataas. Ibig sabihin, siya ang pinalad na mapiling sasagot sa ating survey! At kapag napili na natin ang ating respondent, handa na tayong kapanayamin siya.

Ang panayam ay ginagawa ng harap-harapan o face-to-face. Hindi ito pangkaraniwang ginagawa sa telepono o sa computer (bagamat mayroong mga kumpanyang gumagamit ng ganitong pamamaraan) dahil na rin sa mas maliit na bilang ng mga taong may sariling telepono o may access sa Internet.
Ang panayam ay ginagawa sa mismong bahay ng respondent at hindi sa mall, paaralan, opisina, o kung saan pa mang lugar. Depende sa kung anong wika ang gamit ng respondent, iyon ang salin ng questionnaire na gagamitin para sa kanya. Ang bawat tanong ay babasahin ng taga-panayam na siyang magsusulat sa questionnaire ng bawat sagot ng respondent. Ang mga sagot na pagpipilian ng respondent ay maaring babasahin din sa kanya o nakasulat sa mga kapirasong papel na babasahin niya at saka siya pipili ng kanyang kasagutan. Depende sa haba ng questionnaire, sa bilis o bagal sumagot ng respondent, at sa iba pang mga bagay, ang isang panayam ay maaaring kasing ikli ng 15 minuto o kasing haba ng 2 oras pataas.
Pagkatapos lamang ng lahat ng mga hakbang na ito maaaring mailathala o mai-broadcast sa telebisyon, radyo, diyaryo at Internet ang mga resulta ng mga survey. Bukod sa resulta ng survey, isinasapubliko rin ang mga tanong na kasama sa survey kung saan hinango ang mga resulta inilalahatla, ang pangalan ng kumpanyang nagsagawa ng survey, at ang pangalan ng tao/grupo/kumpanyang nagpagawa/nagpondo ng survey (kung iba sa nagsagawa ng survey).
Sa ganitong paraan ay nagiging maliwanag sa publiko ang pagkakakilanlan ng mga tao/grupo/kumpanya na nasa likod ng mga survey.
Si Pia Bennagen Raquedan ang Associate Research Director ng Pulse Asia Research, Inc.
Paglilinaw: Ang mga hakbang na nakalahad dito ay isa lang halimbawa ng pamamaraan kung paano ginagawa ang survey. Ang bawat kumpanya na nagsasagawa ng survey ay may kaniya-kaniyang pamamaraan na sinusunod. Layunin lamang ng artikulong ito na bigyang-sulyap ang mambabasa sa mahaba at komplikadong proseso ng pagsasagawa ng isang survey.
Nagpapasalamat ang may-akda kina Ronnie Holmes, Ana Tabunda, Liza Reyes, Shiela Billones, at Joy Casuga para sa kanilang tulong sa pagbuo ng artikulong ito. Ang mga kamalian, kung mayroon man, ay sa may-akda lamang. Para sa mga katanungan, maaaring sumulat sa pbennagen@gmail.com.