ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagyong Falcon, bumibilis at maaaring umalis sa PAR Biyernes ng umaga


Bahagyang bumilis ang Typhoon Falcon bago magtanghali nitong Huwebes at maaaring lalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility  (PAR) Biyernes ng umaga, ayon sa PAGASA.
 
Sa 11 a.m. sa advisory ng PAGASA, namataan ang sentro ni Falcon 795 km silangan-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes dakong alas-10 ng umaga.
 
"Kahit papalayo na si Falcon, patuloy pa rin nitong paiigtingin ang Habagat. Kaya dapat maghanda ang mga tao sa Luzon at Visayas, lalo na sa mga kanlurang bahagi, para sa mga patigil-tigil pero malakas na pag-ulan," babala ni GMA resident meteorologist Nathaniel "Mang Tani" Cruz.
 
Pag-alis ni Falcon
 
May lakas ng hanging 130 kph malapit sa gitna nito si Falcon at bugsong aabot sa 160 kph, at ito'y tinatayang kikilos pa-hilagang-kanluran sa bilis na 22 kph.
 
Inaasahang sa labas na ito ng PAR – sa layong 620 km hilaga-hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes – sa Biyernes. Sa Sabado, ito ay tinatayang may layo na 815 km hilaga ng Itbayat.

Nagbabala ang PAGASA laban sa malalakas, hanggang lubhang malalakas na ulang dala ni Falcon sa loob ng 300-km radius nito.
 
Pinaalalahanan din nito ang mga mangingisda na huwag pumalaot sa mga karagatan ng Luzon at Visayas.
 
Pinalakas na ulang Habagat 

Kahit hindi na direktang makaaapekto ang ulan ni Falcon sa bansa, pinalakas naman nito ang Habagat na magdadala ng manaka-nakang malalakas na ulan sa buong kapuluan.
 
"Halos buong Luzon at Visayas ay makakaranas ng malakas na ulan sa maghapon ng Huwebes patuloy sa weekend. Pero patigil-tigil din ito," ayon kay Mang Tani.
 
Pinaghahanda rin ng PAGASA ang mga residente, partikular na ang mga nasa kaanlurang bahagi ng Luzon at Visayas laban sa mga pag-ulan.

Bagyong Nangka

Samantala, sinabi ni Mang Tani na maaaring mababawasan na ang mga pag-uulan ngayong weekend, paglabas ni Falcon sa PAR – ito'y kung ang paparating na Bagong Nangka ay hindi lalapit sa Pilipinas. 

Patuloy pa ring inoobserbahan ng PAGASA si Nangka – na kasalukuyan ay nasa dagat-Pasipiko pa rin malapit sa Guam – upang alamin kung papasok ito sa PAR at, gayundin, palalakasin nito ang Habagat. 

"Kung hindi pupunta patungo sa atin si Nangka, maaari tayong umasa na merong pag-ulan ngayong weekend, pero hindi kasing lakas ng nararanasan natin ngayon," ayon kay Mang Tani.
 
Sakaling papasok si Nangka sa PAR, papangalanan itong "Goring." — LBG, GMA News